Campus

21 organisasyon pinarangalan sa Suhay

Pinarangalan ng UP Diliman (UPD) ang 21 organisasyon sa pagbubukas ng Linggo ng Parangal (LnP) 2021 nitong Hunyo 21, 6 n.g. sa UP Lagoon na naka-live stream din sa website ng UPD at YouTube channel ng Interactive Learning Center Diliman.

Itinampok sa “Suhay: Seremonya ng Pagbubukas” ang mga organisasyon ng mga guro, mananaliksik, kawani, mag-aaral at alumni na naging matatag na tukod ng UPD noong 2020 sa panahon ng pandemya.

Ang mga organisasyong ito ang taos-pusong nakipasan sa mga pananagutan ng unibersidad sa kabila ng sunud-sunod na mga hamon at balakid.

Upang makatupad sa mga pangkalusugang protokol, hinati sa tatlong pangkat ang 21 organisasyon. Ang bawat pangkat ay may isang kinatawan na inatasang pisikal na tumanggap ng plake at salaping gantimpala.

Ang mga gantimpala ay ibinahagi nina UPD Tsanselor Fidel R. Nemenzo at Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangkomunidad Aleli B. Bawagan.

Ang unang pangkat ay binubuo ng Act as One PH, Department of Industrial Engineering and Operations Research (DIEOR), DZUP, KapiLingg Language Lessons, Language Warriors PH (LWPH), Lingkod at Ugnayan ng Pangangailangan (LinkUP) at University Student Council (USC) IskoOps.  Ang kinatawan ng pangkat ay si Froilan Cariaga, Tagapangulo ng UPD USC.

Ang pangalawang pangkat naman ay binubuo ng UP Beta Epsilon Fraternity; Lopez Group Foundation, Inc.; Master of Technology Management (MTM) Students and Alumni Volunteer Group; Office of Service-Learning, Outreach, and Pahinungod (OSLO-Pahingungod); UP College of Education Reading, Early Grades, Arts and Language Education (REGALE) Cluster; UP Variates; at Pantawid para sa mga Naghahatid.  Tinanggap ni Luz Co-Laguitao ng Pantawid para sa mga Naghahatid ang mga gantimpala bilang kinatawan ng pangkat.

Ang pangatlong pangkat ay kinabibilangan ng UP College of Human Kinetics Student Council, Kolehiyo ng Inhenyeriya, UP School of Statistics Student Council, UP Engineering Research and Development Foundation Inc. (UPERDFI), UPD Ugnayan ng Pahinungod, UP College of Education Student Council at UP Health Service (UPHS).  Ang kinatawan ng pangkat na tumanggap ng mga gantimpala ay si Dr. Myrissa Melinda Lacuna-Alip, direktor ng UPHS.

Sa kanyang pambungad na bati, inalala ni Nemenzo ang kakaibang pagsalubong na kanyang naranasan nang siya ay maupo bilang Tsanselor ng UPD noong Marso 2020.

Sinabi rin niyang ang taong 2020 ay “taong ating ipinagbuntong-hininga at ninais na matapos agad-agad.  Bumabangon pa lamang tayo sa pagputok ng Bulkang Taal nang heto naman at kailangan natin harapin ang banta ng COVID-19 sa ating bayan.”

“Tunay na hindi mapapantayan ng mga karangalang ito ang inyong naipamalas para sa UPD.  Ngunit nawa’y maging tanda ito upang kayo ay pamarisan ng iba pang susunod na mga henerasyon, silang mga darating na Suhay ng isang matatag na moog ng UPD,” saad ng Tsanselor.

Samantala, ipinaliwanag ni Bawagan na “Ang suhay ay ang mga bakal, kawayan o scaffolding na nagsisilbing tukod para manatiling nakatayo ang isang istruktura.”

Ito ang tema ng seremonya ng pagbubukas sapagkat, “Para sa institusyong itinuturing na haligi ng kalayaan at kagalingang panlahat, napakahalaga ng tungkuling ginagampanan ng mga kasapi gaya ng mga guro, kawani, mananaliksik, mag-aaral, at alumni na nagsisilbing suhay sa UPD,” saad ng programa ng palatuntunan.

Ayon din kay Bawagan, taliwas sa naiisip ng iba na ang moog ay matanda at luma, “ang moog ay ang panangga sa pagsugod ng mga kalaban.”

Ayon sa programa ng LnP 2021, “Bilang akademikong institusyon at komunidad, ang UPD ay maihahalintulad sa isang moog na paulit-ulit mang sinubok ng panahon ay nananatiling matatag na nakatindig.”

Ipinakilala rin sa programa ng pagbubukas ang mga nagwagi ng Gawad Tsanselor 2021 na pararangalan sa Biyernes, Hunyo 25, 6 n.g. sa isang birtuwal na seremonya.

Kasama rin sa palatuntunan sina Anjanette Joyce Permejo na nanguna sa Pambansang Awit at UP Naming Mahal sa saliw ng Jenny and Jeff Guitar Duo (JJGD), Gia Gequinto at ni Tony Maigue (alay-galaw sa saliw ng JJGD), at Cooky Chua (alay-himig sa saliw ng JJGD).