Academe

2 guro ng UPD, Dangal ng Wikang Filipino 2022

Kinilala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sina Raul C. Navarro, PhD at Lilia F. Antonio, PhD, mga guro sa UP Diliman (UPD), bilang Dangal ng Wikang Filipino 2022.

Navarro. Larawan mula sa website ng CMu

Ayon sa website ng KWF, ang Dangal ng Wikang Filipino ay “mataas na pagkilala sa mga indibidwal, samahan, tanggapan, institusyon o ahensiyang pampamahalaan, o pribadong sektor na may natatanging ambag o nagawa tungo sa pagsulong, pagpapalaganap, pagpapayabong, at preserbasyon ng wikang Filipino.”

Si Navarro ay propesor sa Department of Conducting and Choral Ensemble ng Kolehiyo ng Musika (College of Music / CMu). Siya rin ang kasalukuyang tagapangulo ng nasabing departamento.

Nagtapos siya ng PhD in Philippine studies noong 2004 mula sa Tri-College ng UPD, Master of Music in choral conducting (1999/CMu), at Bachelor of Music (choral conducting), magna cum laude (1996/CMu). Nagtapos din siya sa Santa Isabel College Manila ng Bachelor of Music (piano) noong 2017, Bachelor of Music (music education), cum laude noong 1990, at Associate in Music (piano) noong 1989.

Nahirang si Navarro na UP Artist I (2014-2016) at UP Artist II (2017-2019).

Antonio. Larawan mula sa Facebook page ng SWF

Samantala, si Antonio ay isang retiradong propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP), Kolehiyo ng Arte at Literatura. Naglingkod din siya bilang direktor ng UPD Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman (SWF) mula 2004 hanggang 2007.

Natanggap din niya mula sa KWF ang Makata ng Taon (2001) at Gawad Pagkilala (2000).

Noong 1969, isinalin ni Antonio ang The Little Prince ni Antoine de Saint-Exupery sa Ang Munting Prinsipe. Nakapaglathala rin siya ng mga aklat at teksbuk sa pagsasalin. Isa rito ang Apat na Siglo ng Pagsasalin: Bibliograpiya ng mga Pagsasalin sa Filipinas 1593-1998 (1999) na inilathala ng SWF.

Kasama sa ginawaran ng Dangal ng Wikang Filipino ay ang Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) na  kasalukuyang pinamumunuan ni Jayson D. Petras, PhD, isa ring propesor sa DFPP at kasalukuyang direktor ng SWF.

Kasama rin sa mga naparangalan para sa Sanaysay ng Taon 2022 sina Ariel Bosque (ikalawang gantimpala) at Christine Marie Magpile (ikatlong gantimpala), kapwa mag-aaral sa gradwadong antas ng DFPP. Si Magpile ay isa ring kawani sa Kolehiyo ng Arkitektura ng UPD.

Paggawad ng parangal kina Antonio at Navarro. Imahe mula sa website ng Philippine Information Agency

Dalawang alumni rin ng UPD ang kinilala: Romeo M Peña, karangalang banggit para sa Sanaysay ng Taon 2022 at Niles Jordan D. Breis bilang Kampeon ng Wika 2022.

Ang mga pinarangalan ng Dangal ng Wika at Kampeon ng Wika ay pinagkalooban ng busto, plake, medalyon, at tropeo. Ang paggawad ng Dangal ng Wikang Filipino ay ginanap sa Araw ng Parangal 2022 noong Agosto 30 at 31 sa Lungsod ng Maynila.

Poster ng Araw ng Parangal 2022. Imahe mula sa Facebook page ng KWF