Campus

14 mula sa UPD pinarangalan ng UPS sa Pagkilala

Kabilang ang 14 na miyembro ng komunidad ng UP Diliman (UPD) sa mga binigyang-pugay at pinarangalan ng UP System sa Pagkilala, isang bahagi ng Linggo ng Unibersidad na may temang Hayag: Pagpupugay sa Lingkod Bayan.

(Mula kaliwa) Katuwang na Pangalawang Pangulo para sa mga Gawaing Akademiko Jose Antonio R. Clemente, Vistan, Rehente ng Kaguruan Carl Marc Ramota, Punongbayan, Cao, Encarnacion, Magnaye, Napalang, Reyes, Tadem, Caragay, Gabo-Ratio, Aurelio, at Jimenez. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Ginanap sa Ang Bahay ng Alumni noong Hunyo 13, ang Pagkilala ay ang pagbibigay-pugay sa mga guro, REPS (Research, Extension, and Professional Staff), kawani, at mag-aaral mula sa mga constituent university at autonomous college ng UP, na nagbigay karangalan sa Unibersidad sa kanilang mga natamong tagumpay at pagkilala sa loob at labas ng bansa.

UP Baguio Tsanselor Joel M. Addawe, UP Open University Tsanselor Melinda dela Peña Bandalaria, UP Visayas Tsanselor Clement C. Camposano, Vistan, UP Los Baños Tsanselor Jose V. Camacho Jr., at UP Mindanao Tsanselor Lyre Anni E. Murao. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

“Pagbati sa lahat ng taga-UPD na pinarangalan. I hope you all continue the kind of work that led to the recognition you received. And I hope that you become exemplars for all members of the UP community so that we may better achieve our mandate and better serve our country,” ani UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II.

Sa mga pinarangalang taga-UPD, apat dito ay mula sa Paaralan ng Pagpaplanong Urban at Rehiyonal (School of Urban and Regional Planning / SURP), at tatlo ang mula sa Kolehiyo ng Agham (College of Science / CS). Tig-dalawa naman ang mula sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (College of Social Sciences and Philosophy /CSSP), Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan (College of Social Work and Community Development / CSWCD), at Paaralan ng Ekonomiks (School of Economics / SE), habang isa ay mula sa Paaralan ng Arkiyoloji (School of Archaeology / SA).

Ang mga pinarangalan mula sa SURP ay sina Dekana Dina C. Magnaye, Ma. Sheilah G. Napalang, PhD, isang propesor, Ronnie H. Encarnacion, PhD, isang katuwang na propesor, at Annlouise Genevieve M. Castro, isang university researcher.

Mula naman sa CS ay sina Ernelea P. Cao, PhD, isang professor emeritus sa Linangan ng Biyolohiya; at sina Mario Juan A. Aurelio, PhD, isang propesor, at Jillian Aira S. Gabo-Ratio, DEng, isang kawaksing propesor, ng Pambansang Linangan ng Agham Heolohiko

Mula naman sa CSSP sina Violeta V. Bautista, PhD, isang professor emeritus sa Departamento ng Sikolohiya, at Teresa E. Tadem, PhD, isang propesor sa Departamento ng Agham Pampolitika.

Sa CSWCD naman sina Jowima A. Reyes, PhD, isang kawaksing propesor, at Jocelyn T. Caragay, isang professorial lecturer ng Departamento ng Gawaing Panlipunan.

Mula naman sa SE sina Jonna P. Estudillo, PhD, isang propesor, at Jan Carlo B. Punongbayan, PhD, isang kawaksing propesor.

At sa SA naman si Armand Salvador B. Mijares, PhD.

Ayon kay Pangulong Angelo A. Jimenez, “Mahalaga ang ating pagtitipon ngayong gabi dahil sa pamamagitan ng ating pagpupugay, nabibigyang-pansin at naipakikilala ng Unibersidad ang kaniyang kakayanan. At ang pagkilala sa mga guro, kawani, mananaliksik [at mag-aaral] ay nagbibigay inspirasyon sa kanila na ipagpatuloy ang pagsisikap na pagbutihin pa ang kanilang mga gawain.”

Jimenez. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

“Hindi lamang kayo kinikilala ngayong gabi kundi ipinagbubunyi at inaasahang maging modelo pa ng higit na posibilidad sa ating malaking hanay ng mga iskolar, guro, kawani, at REPS ng bayan, na ang maningning na mabubuting nakamit ninyo ay maging exemplaryo o parolang maaaring matanaw, tanawin, at makamit ng mga kasunod ninyo at nang susunod pa sa inyo, nakapaloob man sila sa unibersidad o sa iba’t ibang henerasyon pang nangarap makapasok at makakapasok sa ating mahal na pamantasang hirang,” sabi ni Pangalawang Pangulo para sa mga Gawaing Pampubliko Roland B. Tolentino sa pagtatapos ng programa.

Tolentino. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO  

Sa kaugnay na balita, pinarangalan din ng UP System sa Pagkilala sa mga Natatanging Mag-aaral na Nagkamit ng Pinakamataas na Marka sa Licensure Exam ang mahigit 50 mag-aaral ng UPD na kasama sa Top 10 na mga pumasa sa licensure examinations na pinangasiwaan ng Professional Regulation Commission para sa taong 2023.

Pinarangalan ay ang mga kasama sa Top 10 licensure examinations para sa psychologists, social workers, professional teachers (secondary level), chemists, geologists, nutritionist-dietitians, certified public accountants, librarians, chemical engineers, geodetic engineers, electrical engineers, electronics engineers, at food technologists.

Ang mga pinarangalan kasama sina (pang-apat mula kaliwa) Tagapagpaganap na Pangalawang Pangulo Jose Fernando T. Alcantara, Vistan, Dekana Shirley V. Guevarra ng Kolehiyo ng Ekonomiyang Pantahanan, Jimenez, Pangalawang Pangulo para sa Pagpapaunlad Daniel C. Peckley Jr., at Tolentino. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Bilang kinatawan ng mga pinarangalan, sinabi ni Patricia R. Imperial, ang nanguna sa Licensure Examination for Social Workers noong Setyembre 2023, na “I am thankful to UP, the place and community where I first learned to live by myself and later learned to live for others.”

Ang pagkilala sa mga natatanging mag-aaral ay naganap noong Hunyo 11, sa Bulwagang Atencio-Libunao.