Labintatlong miyembro ng akademikong komunidad ang binigyan ng Gawad Tsanselor, ang pinakamataas na pagkilala ng UP Diliman para sa kahusayan sa pagtuturo, pananaliksik, pag-aaral at paglilingkod, sa palatuntunang ginanap sa Institute of Biology Auditorium noong Mayo 20.
Ang mga pinarangalan ay binubuo ng apat na mag-aaral, dalawang kawani, tatlong mananaliksik, isang mananaliksik sa Filipino at tatlong guro.
Natatanging Mag-aaral. Sina Neil Patrick S. Ferrer, John Paulo G. Delas Nieves, Arizza Ann S. Nocum at Raymond S. Velasco ang mga hinirang na Natatanging Mag-Aaral.
Si Ferrer ay kinilala sa “kaniyang pagpapamalas ng kahusayang pang-akademiko bilang mag-aaral ng Batsilyer sa Agham ng Isports sa Kolehiyo ng Kinetikang Pantao na pinatunayan ng kanyang pagiging University Scholar mula unang semestre ng Akademikong Taong (AT) 2012-2013 hanggang 2015-2016, at College Scholar noong ikalawang semestre ng AT 2012-2013.”
Si Delas Nieves ay kumukuha ng gradwadong kursong Master of Arts in Urban and Regional Planning. Siya ay nahirang para “sa kaniyang partisipasyon bilang lider-estudyanteng kinatawan ng Pilipinas sa mga panlabas na kumperensiya tulad ng European Union Support to Higher Education in South East Leaders Forum sa Thailand; at ASEAN Student Entrepreneurs Conference sa Malaysia at pagkamit ng mga karangalan tulad ng Most Active Delegate at Best Presenter Award.”
Si Nocum ay nag-aaral sa Kolehiyo ng Inhenyeriya at kasalukuyang kumukuha ng Batsilyer sa Agham ng Inhenyeriyang Pang-industriya. Siya ay nahirang “sa kaniyang pagpapamalas ng kahusayang pang-akademiko na pinatunayan niya sa pagkamit ng kampeonato kasama ang kaniyang pangkat sa Industrial Engineering Competition na ginanap sa Institute Teknologi Bandung sa Indonesia.”
Nasa ika-anim na taon na si Velasco sa kursong Batsilyer sa Agham ng Inhenyeriyang Kemikal sa Kolehiyo ng Inhenyeriya. Siya ay kinilala sa “kaniyang nakamit na full scholarship mula sa Seoul National University of Science and Technology para sa kursong Master’s Degree in Polymer Engineering at merit scholarship mula sa Department of Science and Technology-Science Education Institute at noong ipinadala siya sa National Institute for International Education sa Global Korea Scholarship.”
Natatanging Kawani. Si Cesaria D. Juanillo ng Serbisyong Pangkalusugan ng Unibersidad at si Luis G. Olid Jr. ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon ang mga napiling Natatanging Kawani.
Isang Administrative Aide, si Juanillo ay kinilala “Para sa kaniyang pakikibahagi at pangangasiwa sa mga gawaing pagpaplano at pagsasakatuparan ng mabilis at sistematikong paraan ng pamamahala ng mga tala ng University Health Service, at sa masinop at maingat na paggamit ng mga kagamitan ng kaniyang tanggapan.”
Senior Administrative Assistant si Olid at pinarangalan “Para sa 36 na taong pagpapamalas ng propesyonalismo, kasipagan at dedikasyon sa kaniyang sinumpaang tungkulin sa Unibersidad sa pamamagitan ng pagtulong sa mga gawaing pampananaliksik ng mga guro at mag-aaral ng Kolehiyo nang walang hinihintay na kapalit.”
Natatanging REPS. Tatlo ang pinarangalan bilang Natatanging REPS: sina Elinor May K. Cruz, Elvira B. Lapuz at Dr. Risa L. Reyes.
Kawaksing Mananaliksik ng Unibersidad si Cruz sa Sentro ng Aralin Ukol sa Ikatlong Daigdig. Siya ay kinilala “Para sa kaniyang mahusay at buong loob na pananaliksik sa sosyolohiya ng katawan na sumasaklaw sa mga sensitibong paksa gaya ng cybersex at sa nakalalasong banta ng kosmetics—mga nangungunang pananaliksik na kanyang isinagawa habang malikhaing isinusulong ang mga mahahalagang gawain sa pagsasanay at adbokasiya ng Sentro.”
Si Lapuz ay Punong Tagapamahala ng Aklatan ng General Reference and Electronics Library Section ng Aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas. Siya ay kinilala “Para sa kaniyang dinamikong tungkulin sa pagpapalaganap at pagpapabuti sa serbisyong pang-aklatan sa mga mag-aaral, mananaliksik at guro sa pamamagitan ng pagtiyak na mas madaling magagamit ang impormasyon.”
Natatanging Mananaliksik sa Filipino. Si Dr. Ramon G. Guillermo ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ang nag-iisang nakatanggap ng pagkilala. Siya ay kinilala “Para sa bukod-tanging kabuluhan, kahusayan at kasiglahan ng kaniyang mga pananaliksik at panulat; sa pambihirang lawak at lalim ng kaniyang mga panuri sa wika, Philippine Studies, Araling Rizal at kasaysayan at panitikang Filipino.”
Natatanging Guro. Ang Gawad Tsanselor sa Natatanging Guro ay kinikilala ang mga guro na nagpamalas ng angking kahusayan at dedikasyon sa iba’t-ibang aspeto ng paglilingkod sa Unibersidad. Sa taong 2016, ang pinarangalan ay sina Dr. Jose Maria P. Balmaceda, si Dr. Alonzo A. Gabriel at si Dr. Eulalio R. Guieb III.
Guro, mananaliksik, tagapagpayo at administrador si Balmaceda sa Linangan ng Matematika ng Kolehiyo ng Agham. Kasalukuyang dekano ng kolehiyo, siya ay kinilala “Para sa halos 35 taong paglilingkod bilang huwarang administrador, na inialay ang talino at kakayahan sa disiplina, sa Unibersidad at pagpapaunlad ng pagtuturo ng matematika sa bansa.”
Pinarangalan din siya “Para sa kaniyang pagiging katangi-tanging algebraist kung kaya kinilala ang kaniyang mga pananaliksik sa group association schemes, na hanggang ngayon ay binabanggit pa rin ng ibang mananaliksik sa algebra at coding theory sa iba’t ibang kolehiyo sa loob at labas ng Unibersidad.”
Si Gabriel, propesor sa Kolehiyo ng Ekonomiyang Pantahanan, ay kinilala “Para sa kahanga-hangang pagtugon sa hamon ng Unibersidad na maging ehemplo sa pagtuturo, pananaliksik at serbisyo publiko” at “para sa mahusay na pagtuturo sa mga di-gradwado at gradwadong pag-aaral na naglalangkap sa pagtugon sa kasalukuyang mga suliraning kaugnay ng ligtas at de-kalidad ng pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino bilang guro sa Kolehiyo ng Ekonomiyang Pantahanan; Sentro ng Araling Internasyonal; Science, Technology and Society Program ng Kolehiyo ng Agham; at sa UP Visayas.”
Propesor si Guieb sa Departamento ng Brodkasting sa Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon. Siya ay kinilala “Para sa kaniyang hindi matawarang kontribusyon sa larangan ng pananaliksik sa disiplina ng panunuring pang-medya, sa disiplinal na oryentasyon ng antropolohiya at panunuring pampanitikan. Patunay rito ang mga lumabas sa pag-aaral niya sa mga akademikong publikasyon at journal at ang paglahok sa mga kumperensiya bilang tagapagsalita na may layong idarang ang akademikong komunidad sa mataas na antas ng akademikong diskurso at talastasan.”
Ang paggawad ng mga parangal ay pinangunahan ng mga opisyal ng UP Diliman na sina Tsanselor Michael L. Tan at mga bise tsanselor na sina Dr. Benito M. Pacheco (Gawaing Akademiko), Prop. Virginia C. Yap (Administrasyon), Dr. Fidel R. Nemenzo (Pananaliksik at Pagpapaunlad), Dr. Neil Martial R. Santillan (Gawaing Pangmag-aaral) at Dr. Nestor T. Castro (Gawaing Pangkomunidad).
Ang Triple Fret, ang grupo ng tatlong babaeng gitarista na nagwagi sa 27th Japan Guitar Ensemble noong Hunyo 2015, ay naghandog ng ilang kontemporaneong awit kasama si Al Gatmaitan.