Academe

Wikang Filipino itinataguyod sa UPD

Sa pagdiriwang ng ika-35 taon ng UP Patakarang Pangwika, kaalinsabay ng Paglulunsad at Paggawad 2025 ng Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman (SWF-UPD), binalangkas ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II ang limang hakbangin ng Opisina ng Tsanselor upang patuloy na itaguyod ang wikang Filipino sa UPD.

“Una, palalawakin natin ang suporta para sa mga programang pangwika at pananaliksik na nakatuon sa Filipino. Sisikapin nating patuloy na makapaglaan ng sapat na pondo para sa mga proyektong magpapayabong sa paggamit ng Filipino—hindi lamang sa humanidades, kundi pati na rin sa mga agham, teknolohiya, at iba pang disiplina,” saad ni Vistan sa kanyang mensahe na binasa ni Bise Tsanselor para sa Saliksik at Pagpapaunlad Carl Michael F. Odulio.

Odulio. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Patuloy din ang UPD sa pagsusulong ng Filipino “bilang pangunahing wika ng pagtuturo at opisyal na komunikasyon sa loob ng ating Unibersidad,” gayundin ang “patuloy na pagpapalawak ng mga terminolohiyang Filipino sa iba’t ibang disiplina.”

Paliwanag ni Vistan, “sa pamamagitan ng SWF at mga yunit ng UPD na nakatutok sa pag-aaral ng wika, magsasagawa tayo ng masinsinang konsultasyon at pakikipagtulungan sa mga eksperto sa bawat larangan upang makabuo ng mga salitang Filipino na angkop at may sapat na lalim para sa pagtuturo at pagsulat ng mga akademikong akda.”

Dagdag pa niya ang “mas malalim na pagsasama ng Filipino sa ating mga akademikong kurikulum” at ang patuloy na pagpapalakas ng “ugnayan sa mga komunidad na gumagamit ng iba’t ibang wika sa Pilipinas upang tiyakin na ang Filipino ay tunay na magiging wika ng bayan.”

Sa nasabing palatuntunan na may temang Sulong! Wikang Filipino at Mga Wika ng Pilipinas para sa Dangal, Husay, at Paglilingkod ay pinarangalan ang 15 indibidwal, isang proyekto, at isang akademikong yunit.

“Mahalaga ang mga ganitong pagtitipon upang mabigyan ng pagkilala ang mga institusyon at indibidwal na masigasig na nagsikap sa pagtataguyod ng wikang Filipino” ani Will P. Ortiz, PhD, tagapamahalang opisyal ng SWF-UPD.

Ortiz. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Ipinagkaloob ang pangunahing parangal na Gawad SWF Natatanging Tagapagtaguyod ng Wikang Filipino kay Angelito G. Manalili, PhD, propesor emeritus at dating dekano ng Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Komunidad. Si Manalili ang may-akda ng Pag-oorganisa sa Pamayanan Tungkol sa Kaunlaran na Mula Tao Para sa Tao.

(Mula kaliwa) Odulio, Manalili, at Ortiz. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Binigyang-pagkilala rin ang iba’t ibang akdang nailathala sa dalawang journal ng SWF-UPD: Daluyan Journal: Journal ng Wikang Filipino (Daluyan) at Agos: Refereed Journal ng Malikhaing Akdang Pampanitikan (Agos) nitong nakalipas na mga taon.

Dalawang saliksik ang itinanghal na Gawad SWF sa Pinakamahusay na Saliksik sa Daluyan Journal: Doon Po sa May Dakong-Hulo Panimulang Pananalambaw sa mga Kuwentong-Bayan ng Valenzuela ni Anthony B. Gabumpa (Daluyan Tomo XXIX, Blg.1, 2023), at Kayamanan, Pag-aasam at Paghilom sa Ad-dem ng mga Ibaloy ni L.A. E. Piluden (Daluyan Tomo XXIX, Blg.1, 2023).

Para naman sa Gawad SWF sa Pinakamahusay na mga Akda sa Agos Journal, kinilala ang mga sumusunod: dagli na Tao sa Prowa, Sisid, at Tao sa Popa ni Emman Barrameda (Agos Tomo IV, 2023); tulang Nagtalang at iba pang tula ni Eric Abalajon (Agos Tomo III, 2022); sanaysay na Panimdim ni Roda Tajon (Agos Tomo V, 2024); maikling kuwentong Dunggo ni Denmark Soco (Agos Tomo IV, 2023); at eksperimental na akdang Apo Lakay ML New Hero Guide ni Wendrei Orquiola (Agos Tomo V, 2024).

Lahat ng pinarangalan ay tumanggap ng tropeo at gantimpalang salapi na PHP5,000.

Samantala, itinanghal na Gawad Pagkilalang Hurado para sa Gawad SWF sa Pinakamahusay na Saliksik sa Daluyan Journal ang Pag-aangkop ng mga Modelong Adsorption Pang-isotermal ni Langmuir (1916) at Freundlich (1906) sa R gamit ang PUPAIM nina Chester C. Deocaris, Carl Luis P. Flestado, Mark Lester C. Galicia, Jan Bernel P. Padolina, at Dione Guzman (Daluyan Tomo XXVIII, Blg. 1, 2022).

Itinanghal na Gawad SWF Natatanging Kawani na Tagapagtangkilik ng Wikang Filipino sina Arman D. Mangilinan ng Paaralan ng Paggawa at mga Ugnayan sa Industriya para sa hanay ng mga research, extension, and professional staff, at Concepcion T. Marquina ng Opisinang Pangkasarian sa Diliman para sa hanay ng mga administratibong kawani. Pareho silang tumanggap ng plake, sertipiko, at PHP15,000 gantimpalang salapi.

Kinilala naman bilang Gawad SWF Natatanging Proyekto sa Filipino ang Alpas Modules: Termination of Employment for Private Sector Workers 2025 Edition ng UP Sentro ng Batas. Tumanggap ang Sentro ng plake, sertipiko, at PHP30,000 gantimpalang salapi.

Kinatawan ng UP Sentro ng Batas (gitna) kasama sina Odulio at Ortiz (una at pangalawa mula sa kanan) at mga kawani ng SWF. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Sa hanay ng mga akademiko at administratibong yunit, itinanghal na Gawad SWF Natatanging Yunit na Tagapagtaguyod ng Wikang Filipino ang Departamento ng Kasaysayan ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya. Tumanggap ang Departmento ng plake, sertipiko, at PHP60,000 gantimpalang salapi.

Dekana Ruth R. Lusterio-Rico ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (pang-apat mula kaliwa) kasama ang mga kinatawan ng Departamento ng Kasaysayan,  sina Odulio at Ortiz (una at pangalawa mula sa kanan), at mga kawani ng SWF. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Inilunsad din sa palatuntunan ang mga bagong isyu ng Agos at Daluyan, pati ang mga bagong aklat ng Aklatang Bayan.

Mga bagong isyu ng Agos Journal at Daluyan Journal. Imahe mula sa Facebook page ng SWF-UPD

Ang Agos Tomo VI, 2025 ay pinatnugutan nina Eugene Y. Evasco, PhD at Chuckberry Pascual, PhD, at ang tagadisenyo ng aklat at pabalat ay si John Vincent Forteza.

Samantala, ang Daluyan Tomo XXX, Blg. 2, 2024 ay pinatnugutan nina Wennielyn Fajilan, PhD at Arlo Mendoza, at ang tagadisenyo ng aklat at pabalat ay si Edrick Carrasco.

Binigyang-pugay din ng SWF ang mga katuwang na institusyon at opisina sa loob at labas ng UPD na naging bahagi ng pagtataguyod ng wikang Filipino, pati na ang apat na bagong Komite ng Wika ng UPD.

  • Share: