Idinaos kamakailan ng UP Filipiniana Dance Group (UPFDG) ang pagdiriwang kanilang ika-90 taong anibersaryo sa pamamagitan ng konsiyertong Usbong: Ika-90 Anibersaryong Konsiyerto (Usbong) sa UP Diliman (UPD) Varsity Training Center.
Ang Usbong, na binubuo ng mahigit 30 sayaw, ay ang pagpapatuloy ng Punlâ: Ika-89 na Anibersayong Konsiyerto (Punlâ) ng UPFDG. Ang Punlâ ang nagsilbi ring pasasalamat ng grupo para sa kanilang matagumpay na pakikilahok sa International Council of Organizations of Folklore Festivals and Folk Arts (CIOFF) Festivals Circuit sa Italya noong 2024.
“Isinasakatawan ng inyong mga pagtatanghal, pananaliksik, at mga inobasyon sa inyong mga bagong obra ang nilalayon ng ating Unibersidad para sa mas makabuluhang pamumuhay sa ating bansa. Ito rin naman siyempre ang pinangarap ng pasimuno ng UP Filipiniana, ang Pambansang Alagad ng Sining [para sa Sayaw] na si Francisca Reyes-Aquino,” ani Monica Fides Amada W. Santos, direktor ng UPD Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining (Office for Initiatives in Culture and the Arts / OICA), sa kanyang pambungad na pananalita.
Nahati ang panggabing konsiyerto (7 n.g.) sa isang bahagi mula sa mga alumni ng UPFDG at apat na bahagi mula sa mga kasalukuyang miyembro.

Ang unang bahagi ay ang pagtatanghal ng alumni, na nahati sa dalawang grupo: ang alumni mula 1990 hanggang 2020 sa ilalim ng pamumuno nina Leilani L. Gonzalo, PhD, Van Cornelius A. Manalo, at Peter P. Alcedo Jr., at ang alumni noong dekada 1970 at 1980 sa ilalim ng pamumuno ni Corazon Generoso-Iñigo.
Pitong sayaw ang itinanghal ng unang grupo ng alumni: ang Inim ng Aborlan, Palawan, Kappagani ng Maguindanao, Cariñosa ng Visayas, Binoyugan ng Pangasinan, Jota Paragua ng Cuyo, Palawan, Jota Gumaqueña ng Gumaca, Quezon, at Panderetasng Tanza, Iloilo.
Dalawang sayaw naman ang itinampok ng ikalawang grupo ng alumni: Sambalilo ng Camiling, Tarlac, at Kappa Malong Malong ng Maguindanao.

Itinampok sa ikalawa hanggang ikaapat na bahagi ang mga sayaw na itinanghal ng UPFDG sa CIOFF 2024, na sinayaw ng mga kasalukuyang miyembro ng UPFDG.
Ipinamalas sa ikalawang bahagi ang siyam na sayaw mula sa mga komunidad sa hilagang parte ng Pilipinas. Ipinapakita ng mga sayaw ang mga karaniwang kagamitan ng mga katutubo, mga elemento ng kalikasan, at mga gawain sa komunidad tulad ng anihan, panliligaw, kasal, at iba pa.
Ang mga ito ay ang Sayaw na Vakul ng Batanes, Arap Ji Tukon ng Mahatao, Batanes, Tadik ng Baggao, Cagayan, at Banga at Pattong ng Kalinga, Cordillera.
Ang apat pang sayaw mula sa hilaga ay ang Sakuting ng Mountain Province, Tayao ng Benguet, Baliwes ng Abra, at Bendian ng Benguet.

Ang ikatlong bahagi naman ay itinampok ang pitong mga sayaw mula sa Mindanao – mga sayaw ng pananampalataya, kapayapaan, at karangalan.
Ang mga ito ay ang Dugso ng Bukidnon, Madal ng South Cotabato, Pangalay ng Sulu, Sagayan ng Lanao del Sur, Pig-apir at Katsudoratan ng Marawi City, at Singkil ng Lanao del Sur.

Itinanghal sa ikaapat na bahagi ang 11 mga sayaw mula sa iba’t ibang nayon ng Pilipinas—mga sayaw ng pag-ibig, pagdiriwang, pakikisama, at pagtutulungan.
Ang mga ito ay ang Oasioas ng Pangapisan, Lingayen, Pangasinan, Subli – Sinala ng Bauan, Batangas, Makonggo ng Santa Maria, Bulacan, Rice Festival ng Pilipinas, Maglalatik ng Biñan, Laguna, at Biniganbigat ng Bangued, Abra.

Karagdagan pa ang limang sayaw mula sa mga nayon: Sayaw Ed Tapew Na Bangko ng Lingayen, Pangasinan, Kumakaret ng Barrio Dorongan, Lingayen, Pangasinan, Binasuan ng Pangasinan, Karatong ng Cuyo, Palawan, at Tinikling ng Leyte.
Sa huling bahagi ay nagbigay-pugay ang UPFDG sa kanilang mga nakaraan at kasalukuyang direktor pang-artistiko. Sa pagitan ng mga pagkilala ay ang pagtatanghal ng mga modernong sayaw, kung saan sinasanay rin ang mga miyembro ng UPFDG.
Unang binigyang-pagkilala si Teresa Miraflor Agsalud na namuno sa UPFDG mula 1969 hanggang 1972.
Sinundan ito ng sayaw na Fuego En El Piso (Fire on the Floor) mula sa koreograpiya ng mag-asawang World Dancesports Champion na sina Sergio Machon Jr. at Lina Basas-Machon.
Pangalawang binigyang-pugay si Generoso-Iñigo, na pinangunahan ang UPFDG mula 1973 hanggang 1991.

Sinundan ito ng What We Carry na nilikha sa sayaw ni Rhosam Prudenciado Jr., tumanggap ng parangal na Ani ng Dangal mula National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at tagapagtatag ng Linear Fluidity Movement Style.
Sumunod na pinarangalan si Gonzalo na pinamunuan ang UPFDG mula 1991 hanggang 1995.


Sinundan ito ng Latin Pulse: The Jazz Spirit Meets Latin Fire na nilikha sa sayaw ni Winchester Lopez, dating kawaksing direktor pang-artistiko ng UPFDG at dating superbisor ng sayaw ng Australian at Asian tour ng Miss Saigon.
Pang-apat na kinilala si Manalo, na nanguna sa UPFDG mula 1996 hanggang 2014.

Sinundan ito ng Soft Curve mula sa direksyon at koreograpiya ni Alcedo, isa sa mga tumanggap ng parangal na 2024 NCCA Meritorious Performance at ang kasalukuyang direktor pang-artistiko ng UPFDG.
Panghuling binigyang-pugay si Alcedo na pinamumunuan ang UPFDG mula noong 2014 hanggang sa kasalukuyan.


Samantala, ang tampok sa panghapong konsiyerto (3 n.h.) ay tanging ang mga sayaw na pinamalas ng UPFDG sa CIOFF 2024.
Kasama ng OICA sa pagsuporta sa Usbong ang UP Office for Athletics and Sports Development, UPD College of Human Kinetics, UPFDG 1990s Alumni, UPFDG 1999-2014 Alumni, Garnier, at Metapixel.
Pinasimulan ni Reyes-Aquino, dating guro sa UP at ang unang Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw, ang UPFDG noong 1935. Ito ay isa sa mga opisyal na kultural na grupong tagapagtanghal ng UPD.