Ayon sa kaniyang mensahe sa Gawad Tsanselor 2025, sinabi ni UP Diliman (UPD) Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II na ang Unibersidad ay nananatiling puwersa ng pagbabago sa gitna ng mga hamon at tagumpay.
“Ang UPD [ay] isang institusyong nagpapalaganap ng malayang pag-iisip, kritikal na pagsusuri, at makataong pagtuklas at pagbuo ng kaalaman—mga bagay na binibigyang diin natin sa mga okasyong katulad nito,” paliwanag ni Vistan.

Ang tampok na ganap ng Linggo ng Parangal (LnP), ang Gawad Tsanselor ang pinakamataas na parangal ng UPD na iginagawad sa mga kasaping guro, mananaliksik, kawani, mag-aaral, at organisasyon o programang pangkomunidad bilang pagkilala sa kanilang di-matatawarang pagganap sa loob at labas ng Unibersidad.
Tangan ng Gawad Tsanselor 2025 ang tema ng LnP sa taong ito na Mga Puwersa ng Pagbabago.
Binigyang linaw ni Vistan na ang LnP at ang Gawad Tsanselor ay isang pagdiriwang hindi lamang ng mga natatanging tagumpay ng piling mga tao o organisasyon, kundi ay pagkilala rin sa bawat miyembro ng komunidad ng UPD na nagsisilbing ilaw at gabay sa Unibersidad at bayan.
“Ang paglilingkod at kahusayan ay walang hangganan at patuloy na huhubog sa kinabukasan ng ating pamantasan at ng ating bayan,” ani Vistan.

Sa kaniyang pagbati sa mga pinarangalan, pinaalala niya na ang tagumpay ng isa ay tagumpay ng buong UPD.
“Sama-sama nating itaguyod ang diwa ng dangal at husay na mayroong malasakit sa ating pag-abot sa mas makatarungan at makataong lipunan,” ani Vistan.
Labintatlong indibiduwal at tatlong organisasyon/programa ang pinarangalan sa Gawad Tsanselor 2025 bilang pagkilala sa kanilang ipinamalas na kahanga-hangang kakayahan at ambag sa Unibersidad at sa publiko.
Bukod sa 12 indibiduwal, isang organisasyon, at dalawang programang nagwagi sa pitong kategorya ng Gawad Tsanselor sa taong ito, ibinilang si Sharon Maria S. Esposo-Betan ng Aklatan ng Kolehiyo ng Inhenyeriya (College of Engineering / COE) sa hanay ng mga tumanggap na Gawad Tsanselor Hall of Fame.
Napabibilang sa Hall of Fame kapag tatlong beses nang nagwagi sa isang kategorya ang isang indibiduwal, grupo, o organisasyon. Si Esposo-Betan ay tatlong beses nang pinarangalan ng Gawad Tsanselor para sa Natatanging REPS—noong 2009, 2015, at 2021. Ang unang nahirang sa karangalang ito ay ang dating UPD Transelor Caesar A. Saloma noong 1999. Si Saloma ay apat na beses nang nanalo ng Gawad Tsanselor sa kategoryang Pinakamahusay na Mananaliksik sa Pangkat ng Agham at Teknolohiya.

Sa 15 na tumanggap ng Gawad Tsanselor 2025, tatlo ang mula sa Kolehiyo ng Musika (College of Music / CMu). Nagtabla sa dalawang panalo naman ang Kolehiyo ng Agham (College of Science / CS) at Kolehiyo ng Arte at Literatura (College of Arts and Letters / CAL), habang tig-isang panalo naman ang Kolehiyo ng Edukasyon (College of Education /CEd), Pambansang Kolehiyo ng Administrasyong Pangmadla at Pamamahala (National College of Public Administration and Governance /NCPAG), Linangan sa Pagpapaunlad ng Pagtuturo ng Agham at Matematika (National Institute for Science and Mathematics Education Development / NISMED), Linangan ng Saliksik sa mga Likas na Agham (Natural Sciences Research Institute / NSRI), Sentro ng Wikang Filipino (SWF-UPD), Aklatan ng Unibersidad (University Library / UL), at Opisina ng Bise Tsanselor para sa Administrasyon (Office of the Vice Chancellor for Administration / OVCA).
Nahirang din sa taong ito ang Persons with Disabilities in Barangay UP Campus Association (PWD-BUPCA) bilang Natatanging Lingkod Komunidad.
Apat ang ginawaran ng Natatanging Mag-aaral: Josef Emil A. Artiaga (CS), Antonio Maria P. Cayabyab (CMu), Daniel Alijah C. Lauchengco (NCPAG), at Nicko Enrique L. Manalastas (CAL).
Dalawa ang kinilala bilang Natatanging Kawani: Rowell B. Alveniz (CEd) at Joan M. Lilo-an (OVCA).
Dalawa rin ang hinirang na Natatanging Programang Pang-ekstensiyon: Haplos, Ugoy, at Musika (HUM): Panimulang Klase para sa Kababayang May Kapansanan at Pangangailangan (CMu); at UP NISMED Stargazing Program (NISMED).
Tatlo naman ang tumanggap ng karangalang Natatanging REPS: Chito N. Angeles (UL); Joy Ann P. Santos, PhD (NSRI); at Katherine Tolentino Jayme (SWF-UPD).
Si Eugene Y. Evasco, PhD (CAL) ang hinirang na Natatanging Mananaliksik sa Filipino, habang sina Michelle D. Regulacio, PhD (CS) at Beverly Claudine C. Shangkuan-Cheng, PhD (CMu) ay pinarangalan bilang Natatanging Guro.
Tinanggap ng mga nagwagi ang tropeo ng Gawad Tsanselor, ang medalyon, at salaping gantimpala mula kay Vistan habang sila ay ipinakilala sa mga panauhin at komunidad ng mga bise tsanselor na sina Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko Maria Vanessa Lusung-Oyzon, Bise Tsanselor para sa Administrasyon Adeline A. Pacia, Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Mag-aaral Jose Carlo G. de Pano, Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangkomunidad Jerwin F. Agpaoa, at Bise Tsanselor para sa Pananaliksik at Pagpapaunlad Carl Michael F. Odulio.
Nakatanggap din ng tropeo at medalyon si Esposo-Betan sa kaniyang pagkakahirang bilang Hall of Fame Awardee.
Kasama rin sa Gawad Tsanselor 2025 ang pagpupugay at pag-alaalasa mga namayapang kasamahan sa komunidad. Ito ay pinangunahan ni Direktor Arthur A. Gonzales III ng Opisina sa Pagpapaunlad ng Yamang-Tao.
Ang Gawad Tsanselor 2025 ay naganap noong Mayo 9, 2 n.h. sa Awditoryum ng Linangan ng Biyolohiya.