Alinsunod sa pabatid ng pambansang pamahalaan tungkol sa paglipat ng National Capital Region mula sa General Community Quarantine (GCQ) tungo sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) simula Agosto 4, ang UP Diliman Post-ECQ Guidelines ay pansamantalang suspendido.
Ang UPD ay susunod sa ipinatutupad na patnubay ng MECQ ng Inter-Agency Task Force ng pambansang pamahalaan (para sa UPD MECQ Guidelines, bisitahin ang #TatagUPD webpage). Pansamantalang sinususpinde ang gawain ng mga opisina sa UPD maliban sa mahahalagang opisina tulad ng OVCCA (UP Health Service, CMO, Public Safety and Security Office, at DEMO); OVCA (Accounting Office, Budget Office, Cash Office, HRDO, PABX, at SPMO); OVCSA (UFS, at Office of Student Housing); OVCPD (OCA at Balay Kalinaw); OVCAA (Office of the University Registrar); at ang UP Diliman Information Office, na binubuo ng skeleton workforce.
Ang tagapangulo ng mga yunit ay ipatutupad ang work from home arrangement sa mga kawani at alternative work arrangements sa mga kawani ng agency. Ang mga kawani na nagtatrabaho sa kanilang mga tahanan ay pinapayuhang sundin ang quarantine at huwag lumabas sa mga panahong ito maliban na lang kung kinakailangan tulad ng pagbili ng mahahalagang pagkain at mga gamit.
Ang kampus ng UPD ay sarado sa non-skeleton workforce ng mga mahahalagang yunit at mga di-residente upang panatilihin ang seguridad at kaligtasan.
Alagaan natin ang bawa’t isa sa mga panahong ito ng kawalang katiyakan. Ang virus ay naririyan pa rin. Hindi pa tayo ligtas mula sa pagkahawa sa sakit na ito. Patuloy nating gawin ang mga wastong protokol pangkalusugan: panatilihin ang physical distance, iwasan ang anumang uri ng pagtitipon, wastong kalinisan, madalas na paghuhugas ng mga kamay at pagsusuot ng face mask.
Manatiling ligtas ang lahat.