Kinukumpirma ng UP Diliman (UPD) COVID-19 Task Force na base sa ulat ng UP Health Service (UPHS) Public Health Unit kahapon Hul. 28, ang UPD ay mayroong 118 kaso ng COVID-19 na binubuo ng mga residente ng UP Campus at mga kawani ng UPD na hindi residente ng Barangay UP Campus. Sa kabuuang bilang, 45 ang aktibong kaso, 67 ang mga gumaling na at anim ang namatay.
Maigting naming hinihikayat ang lahat na sundin ang mga protokol na ipinatutupad sa kampus.
Kung ang kawani ay may sakit, HUWAG PUMASOK SA OPISINA. Ngunit, kung sa loob ng mismong tanggapan nagkasakit ang kawani, kinakailangang kaagad na mag-isolate at ipabatid sa UPHS upang siya ay masundo.
Kasalukuyang mino-monitor ng UPHS ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) tungkol sa mga bagong kaso. Muli naming ipinapaalala na kinakailangang sagutan ng kawani ang mga health declaration form at patuloy na i-check ng mga health liaison officer ang mga form at ipabatid sa UPHS ang kundisyong pangkalusugan ng mga kawani lalo na ang mga may sintomas ng COVID-19.
Babalitaan namin kayo tungkol sa anumang pangyayari kaugnay nito.
Ugaliing magsuot ng mask, panatilihin ang physical distancing at maghugas ng mga kamay sa loob ng 20 segundo.
Manatiling ligtas ang lahat.