Notices

UPD-Bulletin-2020-26

 

UPD-Bulletin-2020-26

Bunga ng rekomendasyon ng UP Diliman (UPD) COVID-19 Task Force, ang UP Health Service (UPHS) ay mananatiling sarado hanggang Hul. 14, Martes. Pinahaba ang pagsasara mula sa unang nabalita sa bulletin noong Hun. 27: apat na araw na sarado ang UPHS upang bigyang-daan ang swabbing para sa mga kawani nito at para sa external audit na isasagawa ng Philippine General Hospital (PGH).

Ang pinahabang panahon ng pagsasara ay magbibigay sa lahat ng kawani ng oras na makabawi at makapagpanibagong-lakas sa aspetong pisikal, mental at emosyonal, at magbibigay ng oras upang repasuhin ang mga protocol at para sa masusing disinfection at pagsasaayos ng mga pasilidad.

Ang mga mangangailangan ng emergency medical attention ay pinapayuhang magtungo sa emergency room ng mga kalapit na ospital. Magpapatuloy ang serbisyong telemedicine consultation ng UPHS sa pamamagitan ng website nito, https://uphs.appointlet.com.

Ang Kanlungang Palma (KP) ay hindi na tatanggap ng mga pasyenteng hinihinalang may COVID-19 at ititigil na ang operasyon nito sa Hul. 3, Biyernes. Ang mga indibiduwal na kasalukuyang naka-quarantine sa KP ay ililipat sa PGH.

Ngayong araw na ito, Hul. 1, Miyerkules, lahat ng skeleton staff ng UPHS at KP ay na-swab na: kabilang sa kanila ay may 15 regular na kawani ang nagpositibo sa COVID-19 at asintomatiko. Ang resulta ng lahat ng mga na-swab na kawani ay makukumpleto sa Hul. 3, Biyernes.

Nais naming tiyakin sa lahat na sa kabila ng mga pagsubok na ito, ginagawa namin ang lahat sa tulong ng PGH, na mapanatiling ligtas at malayo sa kapahamakan ang komunidad ng UP Diliman.

Nawa’y patuloy nating iwasan ang matataong lugar. Kung lalabas, huwag kalimutang gawin ang wastong paglilinis ng kamay, pagsusuot ng face mask at panatilihin ang physical distancing (o pisikal na pagdidistansya).

Maraming salamat sa inyong pang-unawa at pakikiisa. Manatiling ligtas ang lahat!