Campus

UPD Year-End Program 2023: Panibagong Lakas

(UP Diliman Information Office)—Ngayong Disyembre, ipagdiriwang ng UP Diliman (UPD) ang 2023 Year-End Program na may temang Panibagong Lakas.

UPD 2023 Year-End Program omnibus poster. Poster na gawa ni Jacelle Isha B. Bonus, UPDIO

Ang tema ay nakaugat sa mahalagang papel na ginampanan ng UPD sa nakalipas na tatlong mapanghamong taon. Binibigyang-diin din nito ang tungkulin ng Unibersidad na maging lunsaran ng pagtuklas at pagbuo ng mga tugon sa iba’t ibang suliraning kinakaharap ng lipunan. Nariyan din ang malawak na pagtingin at pag-unawa sa konsepto ng panibagong lakas at ang pangangailangang gamitin ito sa paglikha ng mga napapanatili o sustenableng lunas sa mga problemang nararanasan ng komunidad at bayan.

Magsisimula ang pagdiriwang ng 2023 Year-End Program sa Pag-iilaw 2023 sa Disyembre 1, Biyernes, 5 n.h., sa Oblation Plaza. Ito ang panimulang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa UPD.

Ang seremonya ng pagsisindi ng mga Pamaskong ilaw sa buong kampus ay pangungunahan nina Pangulo Angelo A. Jimenez ng UP at UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II.

Magkakaroon din ng Christmas Expo 2023 mula Disyembre 18 hanggang 22, Lunes hanggang Huwebes, sa kahabaan ng Roces Avenue, pagitan ng Bulwagang Palma at Bulwagang Melchor. Ang bazaar ay bukas sa lahat ng nais makilahok.

Samantala, ang Konsiyerto ng UP Symphony Orchestra (UPSO) ay idaraos sa Disyembre 19, Martes, 6:30 n.g., sa Teatro ng Unibersidad. Tampok dito ang paglahok ng 60-piece UPSO Chorus (UPSOC) na nag-debut noong Hunyo 2023.

Para sa mga karagdagang detalye, bisitahin ang Facebook page ng UPSO (https://www.facebook.com/upsymphonyorch).

Ang pinakaaabangan at pinakatampok na aktibidad ng year-end program ay ang Paligsahan at Parada ng mga Parol. Ito ay gaganapin sa Disyembre 20, Miyerkules, 5:30 n.h., sa Ampiteatro ng Unibersidad at Academic Oval.

Magkakaroon ng palatuntunan sa Ampiteatro ng Unibersidad kung saan matutunghayan ang mga musikal na pagtatanghal, paggawad ng premyo sa mga magwawagi sa paligsahan ng parol, pamaskong awit mula sa komunidad, at fireworks display.