Campus

Tugon ni Tsanselor Fidel R. Nemenzo ukol sa COVID-19

Mga Minamahal na Kasapi ng Komunidad ng UP Diliman,

Idineklara ng pambansang pamahalaan ang suspensiyon ng mga klase mula Marso 10 hanggang 14. Tinatanggap natin ang anunsiyong ito. Isinuspinde rin natin ang trabaho bilang tugon sa social distancing na inirerekomenda ng DOH subalit lahat ng tanggapan ay kinakailangang magtalaga ng ilang empleyado upang mapanatili ang operasyon ng opisina at matiyak na naipagpapatuloy ang mahahalagang serbisyo sa Unibersidad.

Mula nang maisaere noong Enero 2020 ang balita tungkol sa corona virus disease (COVID-19), regular nating minamatyagan ang sitwasyon sa ating kampus. Naiulat na isang taga-UP na may mataas na lagnat ang sinuri kahapon sa holding area ng University Health Service (UHS) at dinala sa isa pang ospital upang lalo pang masuri. Tinitiyak naming sa pakikisalamuha sa naturang PUI (person under investigation), lahat ng opisyal na panuntunan ay mahigpit na sinunod, ang pasyente ay inihiwalay sa iba pang pasyente ng UHS, at ang holding area ay dagliang nilinis gamit ang disinfectant.

Patuloy tayong magmamatyag. Bumuo ang UP Diliman ng COVID-19 Task Force na nakatalagang magpatupad ng mga kinakailangang pagtugon at iba pang pamamaraan upang masugpo ang bantang ito sa ating pamayanan.

Samantala, mamamahagi kami ngayon sa UP Diliman ng mga mahahalaga at bagong polisiya at pamantayan hinggil sa biyahe, okasyon, at mga akademikong programa sa panahon ng COVID-19. Makatutulong ang mga ito sa ating mga pagpapasya upang maprotektahan ang kalusugan ng ating komunidad at ng higit na malawak na pamayanang ating kinabibilangan. Dahil mismo sa kawalang-katiyakan ng saklaw at bilis ng paglaganap ng virus, gagawin natin ang lahat ng kaukulang paghahanda upang mapanatili ang kalusugan at kagalingan ng ating komunidad, habang tinitiyak na hindi gaanong magambala ang ating mga klase at akademikong iskedyul.

Hinihiling namin sa lahat – kaguruan, mananaliksik, REPS, kawani, estudyante, at mamamayan – na paglaanan ng panahon upang basahin at talimahin ang mga bagong polisiya at pamantayan. Kinonsulta namin ang mga eksperto mula sa UHS at UP-PGH nang aming isinusulat ang mga panuntunan at binabalangkas ang mga planong pagtugon. Sa kasalukuyang impormasyong alam natin, ito ay kumakatawan sa pinakamainam naming pagpapasya.

Sa madaling-sabi: 1) Ipagbabawal muna ang opisyal na biyahe, lokal man o internasyonal. Lahat ng nagbabalak na magsagawa ng personal na biyahe ay hinihimok na pag-isipan itong mabuti; kung itutuloy nila ito, kinakailangan nilang iulat ang kanilang planong biyahe sa kanilang tagapangulo. Lahat ng kasapi ng komunidad na magbabalik mula sa labas ng bansa ay kinakailangang mag-self-quarantine sa loob ng 14 na araw. 2) Lahat ng malalaking okasyon sa kampus ay kinakansela, hanggang maglabas ng karagdagang pabatid. 3) Tayo ay papunta sa paggamit ng online platform bilang kahalili ng nakasanayang paraan ng pagkaklase. Ang Opisina ng Bise-Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko, sa pakikipagtulungan ng mga Dekano, ay magpapadala ng mga panuntunan sa kaguruan at mga estudyante sa lalong madaling panahon. 4) Ipinaaalala namin sa lahat na ang pinakamainam na paraan upang masupil ang paglaganap ng COVID-19 ay social distancing, proper hygiene, at behavioral etiquette. Asahan ninyo sa araw na ito ang mga detalye ng nasabing panuntunan.

Ang panahong ito ay di-pangkaraniwan. Subalit naniniwala kami sa katatagan ng ating pamayanan at sa kakayanang makalampas sa krisis na ito nang may malasakit at pagkakaisa. Lagi’t lagi, saksi tayo na ang pinakamabisang tugon sa emergency sa pampublikong kalusugan ay ang ating kakayanan bilang isang komunidad na huwag pabayaan ang isa’t isa. Panghuli, bilang isang unibersidad, ang ating pinakamalaking hamon sa ngayon ay kung paano gagamitin ang ating kaalaman at pinagkukunan upang makahubog ng etikal, makatarungan, at mabisang pagtugong institusyonal sa naturang epidemya. Asahan ninyong ibabahagi ko sa inyong lahat ang karagdagang impormasyon habang minamatyagan namin ang sitwasyon. Kung mayroon kayong tanong o nais ninyong magbahagi ng makabuluhang impormasyon, mangyaring makipag-ugnayan sa COVID-19 Task Force sa uhs.updiliman@up.edu.ph (gamitin ang subject na “COVID-19”), 0947-427-9281 (mobile) o 8981-8500 local 2709.

Maraming salamat sa inyong lubos na pakikipagtulungan alang-alang sa kagalingan ng UP Diliman.

 

Fidel R. Nemenzo
Tsanselor

  • Share:
Tags: