Mahigit 4,700 mag-aaral ang magsisipagtapos sa Ika-113 Pangkalahatang Pagtatapos ng UP Diliman (UPD), na may temang Simulain. Ito ay gaganapin sa Linggo, Hulyo 28, ika-7 ng umaga, sa Ampiteatro ng Unibersidad.
Ang pangkalahatang pagtatapos ay mapapanood din nang live sa opisyal na website at YouTube channel ng UPD.
Ngayong taon, ang panauhing tagapagsalita ay si Francis “Kiko” N. Pangilinan, dating senador ng Repulika ng Pilipinas.
Ayon sa website ni Pangilinan, siya ay nagtapos ng Bachelor of Arts in English (Comparative Literature) sa Kolehiyo ng Arte at Literatura at Bachelor of Laws sa Kolehiyo ng Batas sa UPD. Siya ay isang lider-estudyante at tagapangulo ng UPD Konseho ng Mag-aaral ng Unibersidad noong 1986. Siya rin ang kauna-unahang rehente ng mag-aaral noong 1987. Taong 1997 nang nagtapos siya ng Master in Public Administration bilang Edward S. Mason Fellow sa Harvard University John F. Kennedy School of Government, Cambridge, Massachusetts, USA.
Siya ay nagsilbing senador ng tatlong termino (2001-2013, 2016-2022). Taong 2014 naman siya naging presidential assistant for food security and agricultural modernization. Tumakbo siya bilang bise presidente sa pambansang halalan noong 2022.
Samantala, si Catherine M. Adille naman ang kinatawan ng mga magsisipagtapos. Siya ay magtatapos ng programang Bachelor of Arts (Psychology), summa cum laude, mula sa UPD Departamento ng Sikolohiya. Isa rin siyang boluntaryo sa Psychosocial Support Program ng UPD Ugnayan ng Pahinungod.
Ayon sa datos na ipinadala ng Opisina ng Rehistrador ng Unibersidad noong Hulyo 26, 286 ang magsisipagtapos na summa cum laude, 1,109 ang magna cum laude, at 788 ang cum laude.
Para sa mga karagdagang impormasyon at mga pabatid, bisitahin lamang ang opisyal na website (www.upd.edu.ph) at mga social media page (Facebook, X, at Instagram) ng UPD.
UPD 2024 Graduation Statistics
Mensahe ng Panauhing Tagapagsalita
Pambungad na Pagbati ng UPD Tsanselor