Upang matulungan ang mga iskolar sa paghahanda sa kanilang piniling mga karera, gayundin sa mga kawaning nais palawigin ang kanilang kaalamang pinansiyal, idinaos ng UP Diliman (UPD) ang SICAP 2026: Sama-samang Tagumpay sa Karera (SICAP 2026).
Ang SICAP 2026 ay proyekto ng UPD Alumni Relations (DAR) na bahagi ng UPD Opisina ng Impormasyon (UPD Information Office / UPDIO).
Ayon kay Direkto Sir Anril P. Tiatco ng UPDIO, ang SICAP (Serbisyo ng Iskolar: Career Applications and Preparation) ay inisyatiba ng DAR na pinondohan ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko sa pamamagitan ng UPD Programang Pagpapamana ng Dunong Katutubo mula sa mga Tagapag-ingat ng Kalinangan o UPD Culture Bearers-in-Residence Program.


Ang SICAP 2026 ay bahagi rin ng programang Pista ng Kaalaman sa Peryahang Diliman, ang seremonya ng pagbubukas ng UPD Arts and Culture Festival 2026.
Naging mga paksa ng SICAP 2026 ang komunikasyon sa trabaho, kaalamang pinansiyal, at pre-employment, kung saan naging resource speakers sina Ian Jester De Vera, DProf, puno ng Research Division ng Linangan ng Maliliit na Industriya; Christine Joy Magpayo, katuwang na rehistrador ng unibersidad; at Marielle Justine C. Sumilong, pangalawang direktor ng UPDIO.
Unang nagpahayag si Magpayo tungkol sa paksang komunikasyon sa trabaho. Sumunod si De Vera na nagbahagi ng kaalamang pinansiyal, at ang panghuli ay si Sumilong na tumalakay ng mga bagay ukol sa pre-employment.
Tinalakay ni Magpayo sa kanyang bahagi ang pag-unawa sa mga karaniwang pangamba sa lugar ng trabaho, pagtukoy sa empowerment, paglampas sa takot sa pakikipagtalastasan, pakikibagay sa audience, at pamamahala ng mga sigalot sa lugar ng trabaho.


Samantala, inilatag naman ni De Vera ang mga investment options na maaaring isaalang-alang. Sa kaniyang slides, payo ni De Vera na magkaroon ng simpleng action plan kung paano gamitin ang ipon upang mapalago ito.
“Kindly do a simple action plan on how you are going to use your savings to increase your wealth by choosing your investment option while you fulfill your obligations to yourself and to your family,” ayon kay De Vera.

Tinalakay naman ni Sumilong ang paggawa ng epektibong résumé/CV at ang pagharap sa job interview nang may kumpyansa.
Kabilang sa mga mahahalagang bilin ni Sumilong sa kanyang bahagi ay, “craft a standout resume and ace confident interviews by first researchingthe organization’s core values, then weaving them seamlessly into your narrative to highlight alignment” at “present yourself authentically, tailoring your honed skills in leadership, communication, and innovation to mirror their culture of integrity, excellence, and impact.”

Kabilang sa mga dumalo sa SICAP 2026 si Direktor Monica Fides Amada W. Santos ng Opisina para sa Pagpapasimuno ng Kultura at mga Sining. Ang SICAP 2026 ay idinaos noong Pebrero 13 sa lobby ng Teatro ng Unibersidad mula 1 hanggang 5 n.h.