Students

Reporma o rebolusyon?

Sa usapin kung ano ang kailangan para sa pagbabago ng lipunan, hindi dapat umano mauwi ang usapin sa kung reporma o rebolusyon ang solusyon.

“Ang mga usapin tungkol sa reforms at revolution ay ginagawang false binarism,” ani Sarah Raymundo, katuwang na propesor sa UP Diliman (UPD) Sentro ng Araling Internasyonal (Center for International Studies / CIS) at isa sa mga tagapagsalita sa Tatsulok: Pambansang Kumperensiya sa Philippine Studies 2026 (Kumperensiyang Tatsulok).

May temang Rizal at Pagkamakabayan: Ang Pambansang Sitwasyon at mga Kilusang Panlipunan sa Dantaon 21, isinagawa ng UPD Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (College of Arts and Letters / CAL) ang Kumperensiyang Tatsulok upang palalimin ang pagtuturo at pag-aaral ng mga kursong Philippine Studies at Rizal.

Nag-ugat sa malayang talakayan ang pahayag ni Raymundo nang may magtanong ukol sa pagkukumpara kina Andres Bonifacio at Jose Rizal, at ang pagsulong ng Estados Unidos kay Rizal bilang pambansang bayani ng Pilipinas dahil sa pagiging mapayapang repormista nito.

Raymundo. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

“Kahit sinong rebolusyonaryo ay alam na mahalaga ang mga reporma para maging matagumpay ang rebolusyon. Ang problema ay iyong ibang mga repormista. Sila iyong mayroong mga reservation kundi paghadlang sa rebolusyon,” ani Raymundo. “Pero dapat makita ang dalawang ito na magkadugtong. At ayun na nga, sa iconography ng ating heroes, lagi iyang pagpili sa bolo o ballpen, at hindi kailangang gawin iyon. Hindi natin kailangang i-reproduce ang ganoong false binarism,” pagtatapos niya.

Sa kanyang susing pananalitang Si Jose Rizal Bilang Tulay sa Pagitan ng Amerika Latina at Asya: Pilipinas, Venezuela, at Palestina, ibinahagi ni Ramon G. Guillermo, PhD ang prologong sinulat ng Mehikanong pilosopo na si Leopoldo Zea para sa edisyon ng Noli me Tangere (Noli) na inilathala sa Venezuela noong 1976.

“Sa prologong ito, inilarawan ni Zea sina José Marti ng Cuba at Jose Rizal ng Pilipinas bilang ‘magkakambal na kapatid,’ o hermano gemelo, dahil sa mga kaugnayan nila sa kasaysayan ng kani-kanilang bansa,” ani Guillermo. “Ang kamatayan ni Marti noong 1895 at ni Rizal noong 1896 ay naging pasimula ng mga pag-aaklas sa Cuba at Pilipinas na kinalauna’y humantong sa pagwawakas ng kolonisasyon ng Espanya sa kani-kanilang bansa,” dagdag niya.

Si Guillermo ay propesor din sa CIS at kasalukuyang direktor nito.

“Ang Kumperensiyang Tatsulok ang kauna-unahang kumperensiyang binubuo ng mga akademiko, kilusang panlipunan, at bayan—ang tatsulok na puwersang huhubog sa kritikal at makabuluhang edukasyon na kailangan ng ating lipunan,” paliwanag ni Nancy A. Kimuell-Gabriel, PhD, propesor sa DFPP at pangkalahatang convenor ng kumperensiyang gagawin tuwing dalawang taon.

Ang kumperensiya ay kasabayan ng ika-70 anibersaryo ng Batas Rizal (RA 1425; naaprubahan noong 12 Hunyo 1956), at ginanap makalipas ang 130 taon nang isulat ni Rizal ang Mi Ultimo Adios (Pahimakas) at humigit-kumulang 130 taon mula nang sumiklab ang Himagsikang 1896, gayundin ang kamatayan ni Rizal.

Ayon sa DFPP, “nilayon ng kumperensiya na: (1) Paunlarin ang mga siyentipiko’t kritikal na pananaw hinggil sa lipunan at kalinangang Pilipino; (2) Mag-ambag sa proyekto ng pagbubuo’t paglikha ng isang maka-Pilipino, at makataong kulturang pambansa; (3) Paunlarin ang Wikang Pambansa bilang daluyan ng mga akademiko’t intelektuwal na paksain; at (4) Linangin ang mga pananaw at lapit na interdisiplinaryo.”

Naging susing tagapagsalita rin sa kumperensiya sina Ma. Crisanta Nelmida-Flores, PhD, propesor sa DFPP.

Samantala, ang iba pang mga tagapagsalita ay sina Rosario Bella Guzman, pinuno ng pananaliksik ng IBON Foundation at punong patnugot ng IBON Board of Trustees, at Antonio L. Tinio, kinatawan ng ACT Teachers’ Party-list (Plenaryong Papel 1); at sina David Michael San Juan, PhD, propesor sa Departamento ng Filipino ng De La Salle University, Kristina Conti, secretary general ng National Union of Peoples’ Lawyers-NCR Chapter at Accredited Assistant to Counsel, International Criminal Court, at Joaquin H. Buenaflor, tagapangulo ng UPD University Student Council (Plenaryong Papel 2).

Mga dumalo sa kumperensiya. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Nagsilbi namang tagapagpadaloy ng Pambungad na Seremonya sina Michael Francis C. Andrada, PhD at Deidre Morales-Mendoza, mga guro sa DFPP. Ang Kumperensiyang Tatsulok ay ginanap noong Hunyo 18 at 19 sa Ignacio B. Gimenez Theater ng KAL at sa Bulwagang Palma. Nagkaroon din ang kumperensiya  ng 18 sabayang sesyon na may kabuuang 50 pananaliksik. Mahigit 100 mga guro at mag-aaral mula sa buong Pilipinas ang dumalo sa kumperensiyang ito.

(Mula kaliwa) Morales-Mendoza, Geronimo, Kimuell-Gabriel, Tinio, Guzman, Jocson, Raymundo, at Andrada. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon
(Mula kaliwa) Morales-Mendoza, Geronimo, Kimuell-Gabriel, Tinio, Guzman, Jocson, Raymundo, at Andrada. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

  • Share: