(AGOSTO 27)—Kinilala ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) si Prop. Galileo S. Zafra, PhD bilang isa sa apat na hinirang na bagong Kampeon ng Wika sa “Pammadayaw: Araw ng Gawad 2019” na ginanap ngayong Agosto 27 sa Sentrong Pangkultura ng Filipinas (CCP), Lungsod Pasay.
Ayon sa KWF, ang Gawad Kampeon ng Wika (GKW) ay taunang parangal na ibinibigay ng KWF sa “mga natatanging indibidwal, institusyon o samahan na patuloy na bumubuhay at aktibong lumalahok sa pagtataguyod at preserbasyon ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng Filipinas sa iba’t ibang larangan o disiplina.”
Pinarangalan ng KWF si Zafra para sa larangan ng panitikan at wika “dahil sa kaniyang natatangi at komprehensibong saliksik sa panitikan at wika.”
Siya ay kasalukuyang propesor sa Kolehiyo ng Arte at Literatura sa ilalim ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP).
Siya ay naglingkod sa Wika ng Kultura at Agham (WIKA), Filipinas Institute of Translation (FIT), Aram: Samahan ng Mananaliksik sa Kulturang Filipino at National Research Council of the Philippines.
Siya ay nagkamit ng mga pagkilala mula sa UP tulad ng One UP Professorial Chair Award for Outstanding Teaching and Research (2019-2021), Professorial Chair Holder Chua Giok Hong Professorial Chair (2001-2002), at UP Chancellor Award Outstanding Published Research (2002).
Ang aklat na “Ambagan: Mga Salita Mula sa Iba’t Ibang Wika sa Filipinas” na kanyang pinamatnugutan kasama si Dr. Michael Coroza at inilimbag noong 2014 ay nagkamit ng karangalan bilang National Book Award Best Book in Translation Studies mula sa Manila Critics Circle at KWF noong 2015.
Kasama ni Zafra sa mga kinilalang Kampeon ng Wika ay sina Mario I. Miclat, dating dekano ng Asian Center para sa araling kultural; Joaquin Sy, direktor ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas o UMPIL bilang tagasalin at tulay ng dalawang kultura, at Prop. Michael M. Coroza, PhD, propesor ng panitikan, malikhaing pagsulat at araling pangwika sa Ateneo de Manila University, bilang alagad ng panitikang Filipino.
Ang parangal ay iginawad kay Zafra ni Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario at ni Prop. Ma. Crisanta Nelmida-Flores, PhD ng DFPP. —Haidee C. Pineda
Photo credit:
- Kuha ni Lourdes Zorilla-Hinampas ng KWF
- Mula sa Facebook ni Dr. Galileo S. Zafra (https://www.facebook.com/galileo.zafra)