Campus

Programa ng DZUP, wagi sa Gandingan Awards

Muling kinilala ang Serbisyong Tatak UP (STUP), programa sa DZUP 1602, sa kakatapos na 19th UP ComBroadSoc [UP Community Broadcasters’ Society Inc.] Gandingan Awards (Gandingan Awards) ng UP Los Baños (UPLB).

Poster ng 19th UP ComBroadSoc Gandingan Awards. Imahe mula sa Facebook page ng Gandingan Awards

Nakamit ng STUP ang Most Development-Oriented AM Radio Program at Most Development-Oriented Women’s Program. Nominado rin ang programa para sa Most Development-Oriented Gender Transformative Program.

Ang STUP ay programang pang-radyo ng National Service Training Program Diliman at ng UP Reserve Officers’ Training Corps. Tampok dito ang iba’t ibang napapanahong usaping panlipunan, partikular ang mga may kaugnayan sa serbisyo publiko. Napapakinggan ito sa DZUP 1602 at napapanood sa Facebook page ng DZUP tuwing Lunes, 9 hanggang 10 ng umaga.

Nabigyang-pagkilala rin ang programang Go Teacher Go (GTG) nang manomina ito para sa Most Development-Oriented Educational Program, Most Development-Oriented Science and Technology Program, at Most Development-Oriented Environmental Program.

Ang GTG ay programang pang-radyo ng UP Pambansang Linangan sa Pagpapaunlad ng Pagtuturo ng Agham at Matematika. Tampok dito ang mga araling makatutulong sa mga guro ng agham at matematika na mapabuti ang kanilang pagtuturo. Napapakinggan rin ito sa DZUP 1602 at napapanood sa Facebook page ng DZUP. Umeere ito nang live tuwing ikalawa at ika-apat na Huwebes ng buwan, 11 ng umaga hanggang 12 ng tanghali.

Ang DZUP 1602 ang opisyal na istasyong pang-radyo ng UP Diliman na pinamamahalaan ng Kolehiyo ng Midya at Komunikasyon.

Ayon sa Facebook page ng Gandingan Awards, ang tema ng parangal ngayong taon ay Tagahabi ng Kasaysayan Para sa Bayan, kung saan ay “kikilalanin ng programa ang mga natatanging alagad ng midya na naghahabi ng istorya at naratibo ng nakaraan. Patuloy na titindig ang organisasyon laban sa tahasang pagbaluktot at pagbura ng kasaysayan.”

“Sa pamamagitan ng Gandingan Awards, patuloy na hinahamon ng UP ComBroadSoc ang mga alagad at kasapi ng midya na paigtingin pa ang mga panawagan at bigyang-diin ang halaga ng makamasang pagtanaw sa kanilang pagbabalita tungo sa pag-unlad,” dagdag na pahayag sa Facebook page ng parangal.

Idinaos ang araw ng parangal nitong Abril 26 sa Bulwagang Dioscoro L. Umali, kampus ng UPLB.

  • Share: