Mikaela Cielo B. Pascual, UP Diliman Opisina ng Impormasyon correspondent
Kinilala at pinarangalan ng UP Diliman (UPD) Research, Extension, and Professional Staff (REPS) Welfare Council ang mga mahuhusay na REPS sa UPD REPS Chair and Awards 2025 Awarding Ceremony (REPS Chair and Awards) na may temang Pammadayaw: Pagpupugay sa Husay (Pammadayaw).
Ayon kay Bise Tsanselor para sa Saliksik at Pagpapaunlad Carl Michael F. Odulio, ang temang Pammadayaw ay salitang Ilocano na nangangahulugang pagkilala o pagpaparangal.

“Ito ay upang kilalanin ang mga tagumpay ng mga REPS dahil sa kanilang kahusayan sa pananaliksik, malikhaing gawain, gawaing ekstensyon, at serbisyong propesyonal,” ani Odulio, na siya ring tagapangulo ng REPS Welfare Council.
Samantala, sinabi naman ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan na ito ay hindi lamang simpleng pagkilala kundi “isang malalim na pagpupugay, isang kolektibong pag-angat at pagbibigay dangal sa mga indibidwal na may natatanging ambag sa ating Unibersidad.”

Kanya ring binigyang-diin ang mahalagang papel ng mga REPS sa pagtugon sa lalong tumitinding pangangailangan para sa mataas na antas ng kahusayan sa pananaliksik at propesyonal na serbisyo.
Dalawampu’t tatlo ang pinarangalan sa REPS Chair and Awards noong Marso 11 sa Bulwagang Aldaba ng Teatro ng Unibersidad.
Sampung REPS ang ginawaran ng REPS Award: anim mula sa Aklatan ng Unibersida(University Library / UL), dalawa mula sa Linangan ng Saliksik sa mga Likas na Agham (Natural Sciences Research Institute / NSRI), at tig-isa mula sa Anna Jane B. Carlos ng Paaralan ng Arkeolohiya (School of Archaeology / SA) at Pambansang Linangan sa Pagpapaunlad ng Pagtuturo ng Agham at Matematika (National Institute for Science and Mathematics Education Development / NISMED).
Ang mula sa UL ay sina Yedda Marynel U. Arce, Chelsea Anne Q. Bonifacio, A.B. Gideon N. De Castro, Crizell Joy P. Garcia-Atuel, Martian A. Jinio, at Nikko Angelo D. Lastimosa.
Ang mga pinarangalan mula naman sa NSRI ay sina Rafael B. Eugenio at Nelvie Fatima Jane A. Soliven. Pinarangalan din sina Anna Jane B. Carlos ng SA at Abigail B. Gonzales ng NISMED.
Labintatlo naman ang ginawaran ng REPS Chair: lima mula sa NSRI, tatlo mula sa Linangan ng Maliliit na Industriya (Institute for Small Scale Industries / ISSI), dalawa bawat isa mula sa Opisina ng Pamamatnubay at Gabay Office (Counseling and Guidance / OCG) at UL, at isa mula sa Pambansang Sentro ng Inhenyeriya (National Engineering Center /NEC).
Sila ay sina Vina B. Argayosa, Jonah L. Bondoc, Gayvelline C. Calacal, Joy Ann P. Santos, at Maria Auxilia T. Siringan (NSRI); Allysa Anne M. De Guzman, Senedith A. Delos Reyes, at Ron Allan R. Estrebillo (ISSI); Chris John S. Bedoria at Rolando C. Delos Reyes II (OCG); Eimee Rhea C. Lagrama at Elvira B. Lapuz (UL); at Pepito T. Dizon (NEC).

Nagbahagi ng kanyang pangwakas na mensahe si Joey R. Lonisto, miyembro ng REPS Welfare Council at tagapangulo ng programa. “Patuloy na pagpapayabong,” ang kaniyang pangunahing hangaring isakatuparan ng mga REPS sa kanilang ambag sa serbisyong publiko at pagtugon sa pangangailangan ng lipunan.—Karagdagan ulat mula kina Katrina Laeticia T. Basco at Margaret Nicole M. Tun, UP Diliman Opisina ng Impormasyon