Statements

Pahayag ng UP Diliman University Council ukol sa Darating na Pambansang Halalan

Piliin ang matapat, mahusay, at prinsipyadong mga pinuno ngayong 2022

Habang papalapit na ang pambansang halalan ngayong 2022, hinihikayat ng University Council ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) ang mga botanteng Pilipino hindi lamang para bumoto, kundi para suriing mabuti ang mga kandidatong pagkakatiwalaan nila ng boto.

Nitong nagdaang mga taon pagkatapos ng huling pambansang halalan, naging talamak ang disimpormasyon, fake news, pagbabaluktot ng kasaysayan at panlilinlang – pawang sinadyang mga hakbang upang manipulahin ang opinyon publiko at upang konsolidahin ang kapangyarihan ng iilang makapangyarihan. Laging naninindigan ang Unibersidad ng Pilipinas para sa katotohanan sa pamamagitan ng solidong ebidensiya at kritikal na pagsisiyasat. Mahalagang mga saligan ito ng mandato ng unibersidad na paunlarin ang bansa sa pamamagitan ng pagtuturo at pananaliksik. Kung kaya mariin naming tinututulan at tinutuligsa ang anomang pagsalaula sa kasaysayan at katotohanan upang makakuha lamang ng boto.

Tumitindig kami kasama ang aming mga guro, siyentista, artista, at mananaliksik na walang-pagod na ibinabahagi ang kanilang kaalaman at kadalubhasaan upang labanan ang koordinadong atake sa katotohanan. Nananawagan kami sa mga botanteng Pilipino na piliin ang mga pinunong nangangakong patatatagin ang estado ng edukasyon sa bansa. Nananawagan kami na piliin ang mga pinunong makikipagkaisa sa mga akademikong komunidad para sa pagtitiyak na mabigyan ang mga mag-aaral ng kritikal na armas at kognitibong rekursong magsisilbing panlaban sa disimpormasyon at lisyang rebisyonismo. Ihalal natin ang mga kandidatong bibigyang prayoridad at paglalaanan ng sapat na badyet ang sektor ng edukasyong matagal nang nagdurusa dahil sa kapabayaan ng estado.

Nananawagan kami sa mga botante na piliin ang mga kandidatong may integridad at malinis na rekord ng paglilingkod, at na huwag suportahan ang mga kandidatong may rekord ng katiwalian, pagsisinungaling, pang-aabuso sa karapatang pantao, pag-iwas sa pagbabayad ng buwis, at pagnanakaw ng kaban ng bayan. Nananawagan kami sa mamamayan na tutulan ang lahat ng porma ng pagbili ng boto, pagpapadron, pananakot, at pandarahas at panggigiyera. Kailangang matutunan nating kumalas sa mga dinastiyang politikal na nagpapanatili ng katiwalian at pagpapadron, at sa halip ay ihalal ang mga pinunong kayang manindigan laban sa naghahari-hariang mga pamilyang politikal at alyansa.

Piliin natin ang mga kandidatong may matapat at matibay na platapormang nagsusulong ng interes ng mahihirap at mardyinalisado. Piliin natin silang nagsusulong ng tunay na reporma sa lupa, pagtatapos sa kontraktwalisasyon, pagtataguyod ng empleyo at makatarungan at nakasasapat na sahod, edukasyon at serbisyong pangkalusugan para sa lahat, kalayaan sa impormasyon, at pagtatanggol sa lupang ninuno at kalikasan. Suriin nating mabuti kung sino sa kanila ang magtitiyak ng katarungang panlipunan para sa mga hilahil at inaabusong sektor ng ating bayan.

Hinahamon namin ang mga kandidato na ipagtanggol ang akademikong kalayaan at mga akademikong institusyon mula sa pananakot ng estado at mula sa lahat ng porma ng karahasan tulad ng red-tagging. Ubod at buod ng aming mandato at responsibilidad ang pangangalaga at pagtatanggol sa akademikong kalayaan, dahil kung mawawala ito ay mawawala rin ang kritikal na espasyo para sa pagluluwal ng tunay at makataong mga solusyon sa malalalim na suliranin ng ating lipunan.

Sa darating na Mayo 9, 2022, itanghal natin ang giting at tapat ng ating saligang karapatan at kalayaan, at ihalal ang mga pinunong tunay, tuwid at tapat.


Salin sa Filipino ni Mykel Andrada

Ang UPD University Council ay pinamumunuan ni Chancellor Fidel R. Nemenzo at binubuo ng mga propesor, kawaksing propersor, at katuwang na propesor.


  • Share: