Ni Keith Andrew D. Kibanoff
(APR. 25)–Sa panauhing tagapagsalita, Dr. Andrea Orel Valle; sa Tsanselor ng UP Diliman, Dr. Michael Tan; sa Dekana ng Kolehiyo ng Edukasyon, Dr. Rosario Alonzo; sa ating Prinsipal, Dr. Ronaldo San Jose; sa mga katuwang na prinsipal, Prof. Zenaida Bojo at Prof. Melanie Donkor; mga guro; mga kasama sa paaralan; batchmates; sa mga magulang at panauhin, magandang hapon po sa inyong lahat.
Maraming nadadapa pero iilan lang ang bumabangon. At sa iilang bumabangon mas kaunti ang natututong maglakad. Heto ang isang kwento kung paano ako nadapa at bumangon.
Tandang-tanda ko yung araw ng pagtatapos ko sa kinder. Sabik na sabik ako dahil valedictorian ako’t magbibigay ng speech. Kaya lang absent ako nung araw na nag-fitting ng toga kaya sobrang laki ng naibigay sa’kin ng school. Natatapakan ko yung toga habang naglalakad at sobrang luwag nung cap sa’king ulo. Noong araw ng pagtatapos namin, ibinigay sa’kin yung mic, nagtalumpati ako, at nag-bow. Ngunit pagtayo ko mula sa bow, nagtataka ako kung bakit tumatawa yung mga tao. At nakita ko yung sagot: nandoon na pala yung cap ko sa sahig. At yung masaklap pa, nadapa pa ako sa pagbaba ng stage. Gustong-gusto ko talagang umiyak noon e. Pero dahan-dahan akong bumalik sa stage, kinuha ko ang cap, at ngumiti sa mga tao.
Kahit hindi tayo magkakasama noong kinder, sigurado akong may mga pagkakataong nadapa rin kayo. Marahil naranasan ninyong makaaway ang matalik nyong kaibigan. Baka minsan rin kayong naagawan ng swing. At siguro, nadapa kayo habang naghahabulan. Ang mga karanasang ganito ang humuhubog sa kung sino man tayo ngayon. At itong ”kung sino man tayo ngayon” ay batay sa ating mga paninidigan.
Siguro naman hindi na bagong konsepto ang paninindigan sa’tin. Ang paninindigan ay ang mga pinaglalaban natin; ang mga bagay na nagsisilbing pundasyon ng ating pagkatao. In short, ito ang ating mga prinsipyo.
Pero ano nga ba ang pinanindigan natin sa loob ng dalawa, apat, o labing-isang taong nag-aral tayo sa UPIS? Baka kailangan nating pag-isipan. Pero kung ako ang tatanungin, noong una pa lang ay nanindigan ako noong lumipat akong UPIS. Ang totoo kasi nyan, nagdadalawang-isip talaga akong mag-aral dito kasi kumportable na ako sa dati kong paaralan. At siguro iyon ang problema. Ang sabi ng magulang ko kapag lagi kang nasa comfort zone, hindi ka machachallenge at doon titigil yung proseso ng pag-unlad. Kaya kahit inaway ko sila noong una, pumayag na rin akong lumipat sa huli.
Naaalala ko yung mga panahong halatang bagong dating lang ako dito. Nagdala pa ako noon ng sobrang bigat na stroller kung saan pinagkasya ko yata yung bahay ko. Nag-lip sync ako sa pagkanta ng UP Naming Mahal noong orientation. Nag-panic ako noong biglang tumayo at lumipat ng room yung mga kaklase ko. Nagpunas ako ng tumutulo kong pawis dahil di ako sanay na sira yung bintilador. Pero unti-unting akong nakaadjust sa mga karaniwang ginagawa ng mga tao rito.
Anuman ang naging resulta ng desisyon kong pumasok sa UPIS, ito ay aking pinanindigan na pasok sa tema nating Kabataan, Manindigan sa Matapat na Paglilingkod sa Bayan.
At hindi ito naiiba sa atin. Ano ba yung pinanindigan natin bilang isang batch? Mula sa umpisa, ipinakita natin ang ating pagiging ibang klase. Kasi nga tayo’y Akinse, ibang klase.
Ibang klase tayo sa pagiging maparaan. Ngayong Grade 10, dumaan tayo sa napakaraming hirap tulad ng thesis, oral defense, talumpati, suring akda, trigonometry, function, at iba pa na hinamon ang ating time management skills at ang ating galing sa pagtimpla ng kape. Nagagawa pa rin nating makakuha ng mataas na grado sa mga output kahit may mga pagkakataong nagcacram tayo.
Ibang klase tayo sa pagtutulungan. Nakita ko talaga ito noong field trip natin noong Grade 7. Akala nating lahat normal na field trip lang iyon kung saan aaralin natin yung ating kasaysayan, pupunta sa mga historical sites, at makikinig sa lecturer. Hindi natin alam na isang napakasayang adventure yung pinasukan natin noong bumuhos ang ulan at napilitan tayong lumusong sa baha. Noon ko talaga nakita kung paano tayo kumapit sa isa’t isa para di tayo maanod ng tubig at sinigurado nating lahat tayo’y ligtas na nakababa sa bundok. Iyon na yata ang pinakamemorable kong field trip sa buong buhay ko.
At higit sa lahat, ibang klase tayo sa pagiging masayahin at spontaneous. Kaya nating maghanap ng mga bagay na magpapasaya sa anumang boring na sitwasyon. Mula sa ating pagbibigay-kahulugan sa “High school rocks”, sa pagbaball is life, at sa pagsasabi ng “yeah” sa lahat ng pagkakataon. Ginulat rin natin ang lahat sa mga kaya nating gawin. Naipakita natin ito sa production value ng mga perfornances natin gaya ng Culmi, Buwan ng Wika, at higit sa lahat, noong nanalo tayong 2nd place sa sobang XploxiV nating performance sa Powerdance noong Grade 8. Pati nga tayo di makapaniwala sa natamo nating gantimpala.
Napansin kong nag-mature na rin tayo sa pagdaan ng mga taon. Naging mas positibo ang ating pananaw sa buhay. Hindi nga tayo nahirapang tanggapin ang 3rd place natin sa Powerdance ngayong taon dahil alam naman nating nag-enjoy tayo. Feeling nga nating tayo ang champion. Dagdag dito, naging mas bukas ang ating mga isipan sa pagtanggap ng mga pagbabago. Halimbawa, napatunayan nating maaari pala nating makasundo ang mga taong akala natin hindi natin magiging kaibigan kapag natuto tayong magpatawad.
Paano ko ba nabuksan ang isip ko? Simple lang: pinanindigan kong magbago. Naisip kong mas masayang may kasamang kaibigan sa pagtanggap ng karangalan kaysa mag-isa lang akong nasa taas. Dahil sa pagbibigay ng oportunidad sa iba, nakatatanggap ka rin ng pagmamahal mula sa kanila.
Itong pagmamahal mula sa iba at para sa iba ang nagtulak sa aking mahalin din ang bagong ako.
Parang kailan lang, hindi ako marunong magcommute o magpara ng jeep kasi hatid-sundo ako. Pero ngayon, kung saan-saan ako nakakarating dahil mas independent na ako.
Parang kailan lang, mag-isa akong nasa Library noong una kong UPIS Week dahil sobrang focused ko sa acads. Pero ngayon, sama-sama tayong nagpupursigeng mag-aral sa Lib para makatapos.
At parang kailan lang, hindi ko maintindihan kung bakit ako nilipat sa UPIS. Pero ngayon, nakikita ko na yung gusto nilang mangyari sa akin.
Maswerte tayong sa UPIS tayo nag-aral kasi may edge na tayo pagdating sa kolehiyo. Natutuhan natin yung estilo ng pag-aaral na hindi nalilimitahan ng libro kung saan mayroon tayong academic freedom. Kaya kahit wala tayong libro, makakagawa pa rin tayo ng paraan upang maintindihan yung aralin ayon sa ating kuryosidad. Dagdag dito, magagamit rin natin yung ating kasanayan sa pakikisalamuha sa iba’t ibang klase ng tao batay sa katayuan sa buhay, relihiyon, at iba pang aspeto saanman tayo mag-aral. At higit sa lahat, naranasan na rin natin kung paano maging Iskolar ng Bayan.
Bilang mga Isko’t Iska, kailangan nating panindigan ang mga responsibilidad na kaakibat ng ganito kalaking karangalan. Pagkagraduate natin, kailangan pa rin nating dalhin yung mga aral na tinuro sa atin sa UPIS upang maging kapaki-pakinabang na mamamayan. Panindigan natin ang mga prinsipyong ito:
Honor and Excellence. Maging matapat at ibigay natin ang lahat ng ating makakaya sa bawat gawain. Huwag tayong magpapabiktima sa katamaran. Normal lang kasing tamarin paminsan-minsan pero dapat alam mong may hangganan ito. Dahil wala nang babantay sa’tin sa labas kundi ang ating mga sarili.
Service. Paglingkuran natin ang bayan nang may paninindigan. Anuman ang mapili nating larangan sa buhay, panindigan natin. At kung maligaw ka nang konti, hanapin mo lang yung lakas ng loob upang bumalik ulit sa dati at sa tama. Itong pagsisikap at pagbangon ay paraan upang mag-give back at pasalamatan ang mga taong nagpaaral sa atin.
At bilang pasasalamat, nais kong magpasalamat sa Panginoon na lagi tayong binabantayan, minamahal, at pinapatawad. Lahat ng ginagawa namin ay para sa higit na kaluwalhatian Mo.
Salamat sa aming mga kapamilya na patuloy na nagtutulak sa aming mag-aral. Dahil pinalaki nyo kami nang maayos, ibinabalik lang namin sa inyo ang pagmamahal na ibinibigay ninyo. Nais lang namin ay maging proud kayo sa amin.
Salamat sa mga magulang ng batch na walang sawang gumagabay, sumusuporta, at nagmamahal sa amin. Sa tuwing feeling namin na hindi na namin kaya, lagi kayong nandyan upang itulak kami sa tamang landas. Kayo po dapat ang sinasabitan ng medalya. Ang araw po na ito ay para sa inyo.
Nais ko lang i-special mention yung napakaganda kong nanay na nagsilbing inspirasyon para sa akin. Ginawa niya kasi ang lahat para maitaguyod kami ni Ate sa pag-aaral. Lahat ng nilagay kong effort sa pag-aaral ay para sa yo. I love you, Mommy.
Salamat sa mga guro’t propesor na matiyaga kaming tinuturan ng mga leksyon sa loob at labas ng silid-aralan. Patawarin nyo po kami sa mga panahong di kami nakikinig sa inyo o ginalit namin kayo. Lahat ng hirap at pagod na binuhos nyo sa pagtuturo ay masusuklian sa hawak-hawak naming diploma ngayon. At dadalhin namin ang inyong mga aral hanggang sa aming paglaki.
At nais ko magpasalamat sa batchmates ko. Sa loob ng apat na taon, naipadama nyo sa aming mga lateral yung pagmamahal na binibigay nyo sa isa’t isa. Isa itong bagay na hindi namin makukuha kung hindi nyo kami tinanggap. At sana magpatuloy itong maayos at masaya nating samahan. Tutal, tayo-tayo rin naman ang magkakasama sa huli hindi ba?
Sa pangkalahatan, nais ko pong pasalamatan ang UPIS. Marami kaming natutunan dito. Tinuruan kasi tayo ng paaralan kung paano mag-isip upang hindi maniwala sa kahit sino lang. Tinuruan din tayo kung paano balansehin ang acads at kaibigan upang talagang mag-enjoy sa buhay. At tinuruan tayo ng UPIS na patuloy tayong magstrive na maabot ang ating potensyal at kung kaya, mas higitan pa ito.
Kaya hinahamon ko kayong mag-Cross the Line ngayong araw na to. Lumisan na rin kayo sa comfort zone nyo na UPIS at magtungo na tayo sa real world kasi hindi dito natatapos ang lahat. Hindi ibig sabihin ng “Pagtatapos” ay dito na tayo titigil kasi hindi ka titigil kahit pagod ka na; titigil ka lang pag tapos ka na.
Kahit ilang beses pa tayong madapa tulad ng nangyari sa atin noong Kinder, mas mahalagang bumangon at matuto tayo mula sa mga pagkakamaling ito. At kapag bumangon tayo, matuto rin sana tayong maglakad. Kasi ito yung magdedefine sa kung anong klase tayong tao sa hinaharap. At ang isang Akinseng tulad ninyo ay nararapat lang maging Ibang Klase.
Hindi naman talaga kasi goodbye yung sasabihin natin ngayon kundi salamat. Sa labing-isang taong pinagsamahan natin. Sa apat na taon ng pagkakaibigan. Sa mga tawa at luhang namagitan sa atin. At sa mga alaaalang binuo natin sa hayskul. Oo nga. Mahirap talagang mag-let go ng isang tao. Pero paano pa kaya pag higit sa isang daang kapamilya na yung kailangan mong pakawalan? Ganoon lang ba yung kadali?
Isipin nyo nalang na “See you soon” ang sinasabi natin at hindi paalam. Kasi sigurado akong magkikita-kita pa rin tayo balang araw.
So kahit na mag-iiba na tayo ng landas, sana hindi pa rin tayo tumigil sa pagiging mga Isko, Iska at higit sa lahat, sa pagiging Akinse. Isang napakalaking karangalan ang maging kasapi ng batch na to. Kaya salamat Akinse. Maraming maraming salamat.