By Alekza Gabiel B. Amorato, Cassandra Jullianne P. Magdaong, and Andrea Rae G. Rebaldo, UP Integrated School Interns of the UP Diliman Information Office
Makalipas ang halos limang dekada mula nang una itong itinanghal, muling ibinalik ng Alice Reyes Dance Philippines (ARDP) ang Tales of the Manuvu nitong Pebrero 27 at 28 sa Teatro ng Unibersidad ng UP Diliman (UPD).
Ito ang kauna-unahang Filipino rock-opera ballet na unang napanood ng publiko noong 1977. Hango ito sa pananaliksik ng isa sa mga tanyag na antropologo at mananalaysay na si E. Arsenio Manuel. Nakatuon ang kanyang pag-aaral sa tribo ng mga Manobo sa Mindanao na siyang pinagkuhanan ng mga kuwento at mitong itinampok sa produksyon. Naulit ang pagtatanghal nito noong 1985 at 2019.

Ang produksiyong ito ay kolaborasyon ng malikhaing pagkukuwento nina Pambansang Alagad ng Sining para sa Sayaw Alice Reyes at Pambansang Alagad sa Sining para sa Panitikan Bienvenido Lumbera. Ang mga sumunod na pagtatanghal ay nabigyan ng iba’t ibang interpretasyon ng iba’t ibang malikhaing pangkat.
Ang 2026 na pagtatanghal ay naisakatuparan sa pamamagitan ng grant mula sa UP. Ang koreograpo ay pinamunuan ni ARDP Ballet Master Lester Reguindin sa saliw ng musikang inareglo ni Michael Mark Guevarra, entablado at mga kasuotang dinisenyo ni Loy Arcenas, at disenyo ng ilaw at direksiyong panteknikal ni Barbara Tan-Tiongco.

Tampok sa kabuuang apat na pagtatanghal—tig-dalawa bawat araw—ang mga mananayaw ng ARDP at University of the East Silanganan Dance Troupe, ang UP Concert Chorus sa pamumuno ni Janet Sabas-Aracama, at mga mang-aawit na sina Joshua Cadeliña, Ado Villanueva, Christy Lagapa, Toni Carm Santos, Almond Bolante, at Greg De Leon.
“Although dance is about change and movement, ARDP puts value and currency in proven works. By doing so, it maintains a strong repertoire of both classical and modern ballets. It continues to offer new exciting works by its set of young choreographers and fosters a collaborative environment for Filipino artists – all in a mission to keep dance as an art form that provokes, excites and engages the national spirit and consciousness,” ani Reyes.


“It is also personally meaningful to me, not just as the 22nd UP president, but as the first from Mindanao—a member of the indigenous people, specifically the Manobos of Butuan […] I carry my name as Datu Mankalagan with pride,” ani Angelo A. Jimenez, pangulo ng UP, sa kanyang pambungad na pananalita.
Bago ang pagtatanghal noong Pebrero 27, nagkaroon muna ng panayam (pre-show artist talk) kina Reyes, Guevarra, at Reguindin na pinangasiwaan ni Lisa Decenteceo, PhD, direktor ng UP Center for Ethnomusicology.

Layunin ng ARDP at mga katuwang nito na patuloy na bigyan ng pagkakataon ang bawat isa na maibahagi ang kani-kanilang talento, at kilalanin ang iba’t ibang uri ng sining at kultura sa bansa.
Ang Tales of the Manuvu ay bahagi ng UPD Arts and Culture Festival 2026 na may tema namang Isang Unibersidad para sa Inklusibo at Mapagkalingang Lipunan.
