Campus

Pag-iilaw 2021

Saksihan ang birtuwal na seremonya ng Pag-iilaw 2021 sa UP Diliman na may temang “Ugnayan at Pagpupugay: Tulay ng Buhay at Pag-asa Ngayong Pandemya.”

Ngayong taon, isa sa mga layunin ng seremonya ng Pag-iilaw ay alalahanin at bigyang-pugay ang mga minamahal natin sa buhay na kagyat na pumanaw sa gitna ng pandemya. Minimithi rin ng programang ito na mahanap natin ang lungtiang sibol at gintong talà sa kalangitan bilang simbolo ng pag-asa at liwanag sa gitna ng kadiliman.

Matutunghayan din ang likhang sining ni G. Toym Imao na tinaguriang “Sambabaylaan.” Ayon kay Imao, ang “Sambabaylaan” ay hango sa mga salitang “Samba” (to worship or adore, faith), “Sambayanan” (nation), “Babaylan” (shaman), at “Laan” (consecrate- ilaan, gawing banal, magtalaga, benditahan, konsagrahin). Pinapakahulugan nito na “Ang unibersidad ay naglaan ng ugnayan para sa paghilom at nagsilbing gabay para sa sambayanan sa gitna ng pandemya. Ang unibersidad ay isang konsegradong dambana ng katotohanan, isang komunidad na sumasamba sa mga prinsipyo ng demokrasya at karapatang pantao.”

Mapapanood din nang live ang seremonya ng Pag-iilaw 2021 sa opisyal na YouTube channel ng UP Diliman (https://youtu.be/z6WoPGgzIrs).