Academe

Muling pagbabalik ng Pambansang Kumperensiya sa Pilosopiyang Pilipino

By Alekza Gabiel B. Amorato, Cassandra Jullianne P. Magdaong, and Andrea Rae G. Rebaldo, UP Integrated School Interns of the UP Diliman Information Office

Matapos ang higit dalawang dekada, muling nagsama-sama ang mga pilosopo, iskolar, guro, at mananaliksik para sa Ikatlong Pambansang Kumperensiya sa Pilosopiyang Pilipino

Layunin ng pagtitipon na ito na linangin at pagyamanin ang pilosopiyang Pilipino sa pamamagitan ng patalakay sa mga kasalukuyang suliranin na hinaharap nito at sa mga posibleng landas na tatahakin ng disiplina sa hinaharap.

Payongayong. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz. UP Diliman Opisina ng Impormasyon.

Si Ma. Theresa T. Payongayong, PhD, isang propesor ng pilosopiya sa UP Diliman (UPD) at pangulo ng Pambansang Samahan sa Pilosopiyang Pilipino (PSPP) ang siyang naging pangunahing tagapagsalita ng kumperensya. Binigyang-diin ni Payongayong ang kahalagahan ng pag-aaral ng pilosopiya sa kontekstong Pilipino upang lalo pa itong mapaunlad.

“Hamon ko na mamilosopiya tayo at magmuni sa ating pag-inog bilang eskwela ng kaisipang Pilipino. Hamon sa atin ang pag-iisip na hindi tayo nakakulong o confined sa mga disiplina, paradaym at teoryang kanluranin,” ani Payongayong.

Naglatag si Payongayong ng dalawang pamamaraan sa pagtalunton ng pilosopiyang Pilipino. Una ay ang pagtugaygay o ang pagsasaalang-alang sa mga naging diskusyon mula sa nakaraang dalawang kumperensya: ang unang ay ginanap noong 24-25 Setyembre 1998 sa UP Los Baños, at ang ikalawa noong 28-29 Oktubre 1999 sa UPD. Ang ikalawang pamamaraan ay ang pagsubaybay sa kung ano ang umiiral na bago pa man ang mga kumperensya at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.

Sa unang kumperensiya, ibinahagi ni Rainier Ibana, PhD, propesor ng pilosopiya sa Ateneo De Manila University (ADMU) ang kaniyang pag-aaral na pinamagatang Ang Papel ng Guro sa Pagtuturo ng Pilosopiya sa Sariling Wika: Pagsasala, Pagsasalin, Pagbubuo ng Sariling Atin. Ito ay may tatlong punto, una ay ang halaga sa pagsasala ng mga akdang isasalin sa sariling diwa na subok na ng kasaysayan upang hindi mag-aksaya ng panahon sa mga dakilang pilosopo. Pangalawa, ang pag-iingat sa mga isinalin upang iugat ang pamimilosopiya sa diwa ng karaniwang kapwa tao. Panghuli, ay ang pagbubuo ng sariling pamimilosopiya.

Samantala, sa ikalawang kumperensiya ay itinampok ang papel ni Tomas G. Rosario, PhD, propesor ng piloposiya sa ADMU, na Karanasang Pagsasalin ng mga Tekstong Pilosopiko sa Wikang Filipino. Tinalakay rito Tinalakay rito ang kawalan ng katarungan sa mga estudyanteng kumukuha ng kurso sa Filipino ngunit napipilitang magbasa ng mga artikulong Ingles, na nagreresulta sa patuloy na pag-iisip gamit ang banyagang wika.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni Payongayong ang mga suliraning kinahaharap ng pilosopiyang Pilipino. Una ay ang suliranin sa wika na kung saan mula pa lamang sa pagsasalin ay nahihirapan na ang akademiko, bagkus dapat kasama ang diwa sa pagsasalin ng mga kaisipan.

“Mula sa mga kaisipang ito, maituturing na ang paggamit sa wikang Filipino bilang pangunahing instrumento upang tuluyang pagbuo ang diskursong Pilipino,” aniya.

Para kay Payongayong at sa iba pang mga pilosopo, sa paggamit ng sariling wika sa pananaliksik, ang Pilipinolohiya ay hindi lamang mananatili sa mga intelektuwal kundi magiging abot-kaya rin sa mga karaniwang mamamayan. Bukod dito, tinitignan din bilang suliranin sa larangang ito ang kakulangan sa mentorship at kasulatan sa pagtuturo ng pilosopiyang Pilipino.

Para sa huling bahagi, pinaunlakan ang mga dumalo na makapagtanong sa tagapagsalita.

Mga nakibahagi sa ikatlong PKPP. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz. UP Diliman Opisina ng Impormasyon.

“Sa aking tingin, hindi bawal na magtanong kung ano ang essential na characteristics o property ng pilosopiyang Pilipino, subalit sa palagay ko, ang pagsagot dito ay makalilimita sa kung ano ang pilosopiyang Pilipino kasi maaaring iba’t iba ‘yung uri ng pamimilosopiya na ginagawa natin sa Pilipinas,” tugon ni Payongayong sa tanong na kung pangkanluraning pagtingin ba ang paghahanap ng essential properties ng pilosopiyang Pilipino at kung dapat ba itong tanungin.

Para sa kaniya, ang pilosopiya ay isang malayang pagtalastas at pagsasabi ng mga ideya. Mahalaga rin na mapakinggan ang sinasabi ng bawat isa dahil may kaniya-kaniyang pamamaraan ng pamimilosopiya ang mga tao.

Ang mga lumahok sa kumperensiya. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz. UP Diliman Opisina ng Impormasyon.

Ginanap ang kumperensiya noong Pebrero 26 sa Pilar Herrera Hall, UPD. Nagkaroon din ng iba pang talakayan at mga sabayang sesyon sa dalawang sumunod na araw.

  • Share: