Campus

Mga Bidyo ng Pag-iilaw sa UP Diliman 2021

Muli nating tunghayan ang panayam kay Prop. Abdulmari “Toym” de Leon Imao, Jr. ng UP Kolehiyo ng Sining Biswal tungkol sa kahulugan ng kanyang nilikhang instalasyon na pinamagatang “Sambabaylaan” para sa Pag-iilaw sa UP Diliman 2021.

Ayon kay Imao, ang “Sambabaylaan” ay hango sa mga salitang “Sambayanan” (nation), “Babaylan” (shaman), at “Laan” (consecrate- ilaan, gawing banal, magtalaga, benditahan, konsagrahin).

Kaugnay ng salitang “Sambayanan,” aniya, ang taunang pag-iilaw ay “isang porma ng komentaryo at pagpuna sa mga nangyayari sa ating kapaligiran at sa ating bansa.” Ang “Babaylan” naman ay bahagi ng pre-kolonyal na kasaysayan ng Pilipinas kung saan itinuturing sila ng komunidad bilang tagapayo at tagapagpahilom, at katuwang ng mga datu sa pamamahala ng isang komunidad. At ang “Laan” ay nangangahulugang isang pag-aalay na konektado sa tema ng Pag-iilaw na “Ugnayan at Pagpupugay: Tulay ng Buhay at Pag-asa Ngayong Pandemya.”

Samantala, ang bulalakaw sa instalasyon ay nagsisilbing simbolo ng pag-asa.

Ayon din kay Imao, ang konsepto ng babaylan ay maiuugnay rin sa naging papel ng unibersidad sa sambayanan sa panahon ng pandemyang COVID-19 at ang mga inilaan nitong tulong upang maibsan ang paghihirap ng mga Filipino. Maiuugnay rin ito bilang paalala sa lahat ng Filipino na sa darating na halalan ay kailangang mamili ng pinunong may kakayahang maging tagapayo at tagapagpahilom.

Panoorin din ang mensahe ng mga kawaning naging katuwang sa matagumpay na produksyon ng birtuwal na seremonya ng Pag-iilaw. Ibinahagi nila ang kanilang pananaw sa diwa ng Pasko sa kabila ng mga hamong dulot ng pandemya.

Ang mga mensaheng ito ay unang napanood sa birtuwal na palatuntunan ng Pag-iilaw sa UP Diliman 2021 noong Disyembre 3.


Sama-sama nating sariwaing muli at bigyang-pugay ang alaala ng mga namayapang guro, REPS, at kawani ng pamantasan.

Bilang paggunita, ipinakita sa pamamagitan ng isang bidyo ang larawan ng mga yumao, at ang kanilang mga pangalan ay isa-isa namang binasa nina Bise Tsanselor para sa Administrasyon Adeline A. Pacia, Bise Tsanselor para sa Pagpaplano at Pagpapaunlad Raquel B. Florendo, Bise Tsanselor para sa Pananaliksik at Pagpapaunlad Gonzalo A. Campoamor II, at Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral Louise Jashil R. Sonido sa birtuwal na palatuntunan ng Pag-iilaw sa UP Diliman 2021 noong Disyembre 3.

Tunghayan din ang tulang “Hindi Isang Panooring Pangmadla ang Dalamhati” ni Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario sa interpretasyon ni Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko Ma. Theresa T. Payongayong, kasabay ang pagtatanghal nina Boyet de Mesa, Kaye O’yek, Sam Penaso, at Noel Soler Cuizon sa obrang instalasyon sa University Amphitheater bilang alay sa mga namayapa.

Ang obrang instalasyon na tinawag na “Pagtawid” ay isang proyektong pinagtulungang nilikha ng Asian Cultural Council Artists na sina Noel Soler Cuizon, Kat Palasi, Sam Penaso, Barbie Tan-Tiongco, at Irma Lacorte, kasama sina Tin Palattao, Ledz Taboada, Ched De Gala, at Des Pirinsesa. Kasama rin sa instalasyon ang likha ni Prop. Abdulmari “Toym” de Leon Imao, Jr. ng UP Kolehiyo ng Sining Biswal. Ayon sa konsepto ng obrang ito, ipinakita sa instalasyon ang masidhing pagdadalamhati ng mga pamilyang kagyat na nawalan ng mahal sa buhay sa gitna ng pandemya. Inilarawan din ang pagbabago ng proseso ng pagdadalamhati na katimbang ng mga alalahaning umusbong dala ng pangangailangang makatawid sa kasalukuyang kinakaharap na krisis.


Panooring muli ang alay-galaw ng pagtutulay at pag-uugnay tampok ang “Inim o Pagdidiwata,” na itinanghal ng UP Filipiniana Dance Group sa Pag-iilaw sa UP Diliman 2021 noong Disyembre 3 bilang pagpupugay sa buhay ng mga guro, REPS, at kawani ng pamantasan na kagyat na pumanaw nang walang sapat na pagpapaalam.

Ang Inim o Pagdidiwata ay isang ritwal na sayaw mula sa Aborlan, Palawan na pinangangasiwaan ng isang Babaylan.

Pakinggan din ang pambungad na mensahe ni Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangkomunidad Aleli B. Bawagan, ang mensahe ng pagbati ni Pangalawang Pangulo para sa Gawaing Pangmadla Elena E. Pernia sa ngalan ni Pangulong Danilo L. Concepcion, at ang mensahe ni Tsanselor Fidel R. Nemenzo sa buong komunidad ng UP Diliman.


Muling saksihan ang birtuwal na palatuntunan ng Pag-iilaw sa UP Diliman 2021 na ginanap noong Disyembre 3 kung saan kinilala at binigyang-pugay sa palatuntunan ang mga imprastruktura at institusyong kabalikat ng UP Diliman sa panahon ng pandemyang COVID-19.

Balikan ang mga mensahe nina Dr. Myrissa Melinda Alip ng University Health Service, Dr. Cynthia Saloma ng Philippine Genome Center, Dr. Olivia Basuel ng Silungang Molave, Dr. Margie S. Hementera ng Philippine Red Cross Isolation Facility sa Kamia Residence Hall, at Dr. Maria Dulce Natividad ng Bakunahan sa Diliman sa UP College of Human Kinetics Gym ukol sa naging papel ng unibersidad sa pagtugon sa hamon ng pandemyang COVID-19 at sa pagpapanatili ng kalusugan at kapakanan ng mga kasapi ng komunidad ng UP Diliman.

Sama-sama rin nating panooring muli ang pinakatampok na bahagi ng palatuntunan, ang pag-iilaw ng UP Diliman na pinangunahan ni Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangkomunidad Aleli B. Bawagan.

Sa kanyang pangwakas na mensahe sa palatuntunan, ani Bawagan, “Nawa’y sa pagsindi natin ng mga ilaw sa pamayanan ng Diliman, tayong mga nakasaksi at naging bahagi nito ay magsilbi ring ilaw at tulay na mag-uugnay at magtatawid sa lahat tungo sa kagalingan, ginhawa, at pag-asa.”

Tinampok din sa palatuntunan ang mga natatanging himig ng pag-asa sa areglo ni Jai Saldejano at sa pagkumpas ni Katz Trangco, at ang pagtatatanghal ng mga awiting “Ani” ni Grace Nono at “Sambayan” ni Chino Toledo sa interpretasyon ni Cherry Garlan Caballero at ng Himig Sanghaya Chorale sa saliw ng musika ng CMU Chamber Ensemble.