Campus

Mga balak at dahilan ng pagtakbo: Kaganapan sa UPD Chancellor Search Forum

Maganda at interesante ang mga paksang binuksan ng iba’t ibang sektor ng komunidad ng UP Diliman (UPD) na lumahok sa naganap na UPD Chancellor Search Forum (Forum) sa Awditoryum ng GT-Toyota ng Sentrong Asyano (Asian Center / AC).

Ang Forum ang nagsilbing plataporma ng dalawang nominado sa pagka-tsanselor ng UPD upang ipahayag ang kanilang bisyon at mga plano para sa Unibersidad. Narinig din mula sa kasalukuyang UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II ang kaniyang mga natapos na gawain o accomplishments para sa UPD.

(Mula kaliwa) Vistan at Lagmay. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPD Opisina ng Impormasyon

Sa kaniyang presentasyon, sinabi ni Vistan na ang kaniyang bisyon para sa mga susunod na tatlong taon ay nakatuon sa mga gaps na kailangang punuan at mga gawaing kailangan pang ituloy dahil kulang ang tatlong taon ng kaniyang panunungkulan, “kaya rin inaalay ko ang aking sarili na maging tsanselor muli dahil sa pinanggalingan kong karanasan at mga napansing kailangan pang pag-igihan.”

Nais ni Vistan na ituloy ang kaniyang mga plano para sa UPD gamit pa rin ang tatlong estratehikong direksiyon na kaniyang inilatag sa kaniyang administrasyon: ang pagmi-mainstream o pagpapamuhay ng kulturang dangal at husay, ang agresibong pagtahak ng sustenableng kaunlaran (sustainable development), at paghubog sa UPD bilang kanlungan ng sining at kultura.

Ani Vistan, sa kaniyang panunungkulan, napagtanto niya na kulang ang tatlong taon upang lubos na magampanan ang pagtupad sa mga adhikaing kaniyang nailatag. Nais niyang tumakbong muli upang maipasa niya sa susunod na tsanselor matapos ang kaniyang pangalawang termino na may porma at hubog na.

“Nakita natin na our community has done much along these lines, but I outlined seven items for specific action plans,” ani Vistan.

Ito ay ang mga sumusunod: action on delayed infra projects; continue policy, systems, and program improvement; planning through consultations with stakeholders; student spaces, library spaces, community spaces; facilities management; welfare of stakeholders; at volunteerism for the community through a revitalized UPD Pahinungod.

Inamin ni Vistan na isa sa malaking suliranin ng UPD ang mga delayed infrastructure projects. Bagaman marami nang natapos na proyekto, lubhang marami pa rin ang nakabinbin. Para kay Vistan, ang isa sa mga solusyon ay ang pag-ako ng Unibersidad ng mga proyekto at siyang pagtapos nito.

Saad ni Vistan, ang kaniyang misyon ay pumapaloob sa kanyang gabay na mga pinsipyo na “gawin ang tama, gawin nang maayos, gawin nang mahusay.”

“Gawin ang tama. Ano ba ang kailangan ng ating mga stakeholder?… Alamin kung ano talaga ang gusto nila at base roon, gumawa ng mga hakbang, mga desisyon, mga programa, na tutugon… This can only be possible if we are consultative; gawin nang maayos, planuhin at simulan natin ito nang maayos, let’s get the right funding, get the right people, let’s put the right framework in these projects; at panghuli gawin nang mahusay. From those beginnings we will now know from experience what works and what works well… we move toward what works well… gawin natin nang mahusay… Ang solusyon sa problema hindi pwedeng isang tirada lang e. Kailangan ng panahon, kailangan ng pagplaplano, kailangan ng pag-aaral, kailangan ng paghahanda. Kaya ko rin ito binalangkas kasi may mga programa tayo na tingin ko nasa iba’t ibang stages na ito…” ani Vistan.

Idinagdag din niya kung bakit siya tumakbo bilang tsanselor sa pangalawang pagkakataon: “Hindi naman tayo humihingi ng second term dahil gusto lang natin. Hindi pa kasi tapos ang trabaho, marami pang kailangang gawin. And a personal mission of mine … ayoko itong ipasa sa susunod na tsanselor kung ano pa siya ngayon. Kaya humihingi pa ako ng three additional years to work on improving our systems, to work on improving our processes para mas doable, mas gugustuhin ng susunod na tsanselor ang trabahong ito.”   

Para naman kay Alfredo Mahar Francisco Lagmay, executive director ng UP Resilience Institute, ang kanyang mission/vision ay para sa isang “future-ready UPD to help build our country.”

Aniya, “the vision is to build a resilient UPD where excellence across disciplines converges to serve the Filipino people and to lead globally in addressing the pressing challenges of our time.”

Kaniyang idinagdag na ang misyon naman niya ay pamunuan ang isang unibersidad na “problem-focused” at “solutions-driven.” Ito ay naka-angkla sa “research” at “public service in urgent national challenges, ensuring that our excellence translates into meaningful and measurable impact at the community level.”

Kasama rin sa kanyang misyon ang mga sumusunod: mobilize the entire UPD community for the sustainable development goals (SDGs), mainstream climate adaptation as a core university agenda, mobilize knowledge, resources, and institutions across all sectors and disciplines while prioritizing research to build community resilience, integrate science and the creative industries, advance One UP collaboration, at honor UP’s mandate of public service.

Ayon kay Lagmay, may limang haligi siyang isusulong: Open Science and Digital Diliman, Resilience and Holistic Wellness, kung saan ang kampus ay modelo ng seguridad at mental well-being; UPD para sa Bayan, ang unibersidad bilang tulay ng laboratoryo at komunidad; Transparent and Participatory Governance; at Strategic Internationalization kung saan ang UPD ay magiging isang “hub of reciprocal collaboration.”

Ani Lagmay, “we will share our expertise, positioning the Philippines as a natural laboratory for resilience and social innovation, while learning from global practices.”

Kaniya ring ibinahagi na sa unang 100 araw ng kaniyang panunungkulan, plano niyang magkaroon ng campus-wide safety audit, security and community dialogue, UP Open data policy, strategic partnerships para sa mga SUCs at local government units para sa nationwide risk assessment at sustainable resilience-building.

Ayon kay Lagmay, “now is the time. The country needs UP’s knowledge, courage, and leadership. UPD must rise to meet this moment with integrity, urgency, and unwavering commitment to serve.”

Nabigyang-linaw rin noong Marso 4 ang naging palaisipan sa komunidad ng UPD tungkol sa pagtakbo ni Lagmay gayong tapos na ang pagtanggap ng nominasyon noong Marso 1.

Aniya, bilang pagmamahal niya sa UP, ayaw niyang isipin ng iba na walang competitive selection process sa unibersidad dahil walang [ibang] gustong tumakbo. Para sa kaniya, mahalaga ang competitive search.

Ayon kay Lagmay, nakita niya na makalipas ang ilang araw matapos ang pinalawig na huling araw ng nominasyon, nag-iisa pa rin ang nominado, at “bilang isang taga UP… sa akin po, sayang iyong opportunity.”

Ikinatuwa ni Lagmay na lumabas sa forum ang mga tanong, mga isyu, at mga alalahanin ng komunidad.

Saad niya, “it does not look well for a university who touts to be a university of diverse ideas, na may excellence, na ang gusto natin ay mga iba’t ibang klaseng ideya na pagdedebatihan, pagdidiskusyunan, and this forum is exactly the platform to discuss these things. The Search is very important kasi makikita natin ang iba’t ibang klaseng ideas on how UP is supposed to be run and how it will be in the future. What is its significance sa ating bansa? Importante po na may mga diskusyon dito sa UP. Importante po that there is a competitive search. Napag-uusapan natin lahat ng mga importanteng isyu.”

Dagdag niya, “these concerns should all be heard and this platform, the search, is necessary. It is the hallmark of the university. Kailangan meron tayong palaging pinag-uusapan na mga vision, na mga idea, on how we will be in the future. Kaya ako tumakbo. Hindi po dahil sa gusto ko, kundi bilang pagmamahal ko sa UP. Ayokong isipin ng iba na wala tayong competitive selection process, walang gustong tumakbo. Bakit? These are issues that need to come out. That need to be discussed.”

Matatandaang tatlong beses na pinalawig o in-extend ang pagtanggap ng nominasyon sa bagong mamumuno ng UPD, sa pagtatapos ng termino ni Vistan, ang kasalukuyang tsanselor, ngayong Abril 3.

Ayon sa Administrative Order (AO) No. PAJ 26-03 na may petsang 16 Enero 2026, ang pagbubukas ng nominasyon para sa bagong UPD Tsanselor ay naganap noong Enero 19 at ang huling araw ng pagtanggap ng nominasyon ay itinakda noong Pebrero 13. Ito ay pinalawig o binigyang ekstensiyon hanggang Pebrero 16 sa bisa ng AO No. PAJ 26-09 na may petsang 28 Enero 2026.

Ang ikalawang ekstensiyon ng pagsusumite ng nominasyon para sa tsanselor ng UPD ay Pebrero 25 sa bisa ng AO No. PAJ 26-24 na may petsang 18 Pebrero 2026.

Ang pangatlong ekstensiyon ay Marso 1, sa rekomendasyon ng Search Committee na inapbrubahan ni Pangulong Angelo A. Jimenez ng UP sa pamamagitan ng AO No. PAJ 26-29 na may petsang 25 Pebrero 2026 at may sulat kamay ni Jimenez na “Final extension.”

Ang bumubuo ng Search Committee for the Search of the Next UPD Chancellor na pinamunuan ni Professor Emeritus Grace Javier Alfonso. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPD Opisina ng Impormasyon

Noong Marso 2, inilabas ng Search Committee ang balita na tanging si Vistan ang nominado sa pagka-tsanselor. Ngunit kinabukasan, Marso 3, matapos lumagpas ang takdang araw ng huling ekstensiyon ng pagtanggap ng nominasyon, naglabas ang komite ng panibagong balita na si Lagmay ang isa pang nominado maliban kay Vistan.

Ayon sa Facebook post ng Philippine Collegian (Kulê), “Lagmay’s nomination comes after UP President Angelo JImenez requested another deadline extension for the search from the committee to allow additional nominations.” Sa parehong post din inilahad na ang impormasyong ito ay mula sa Tagapamuno ng University Student Council, Joaquin Buenaflor, miyembro ng search committee.

Mula pa rin sa nasabing (Kulê) post, “The search committee then validated Lagmay’s nomination as substantial and compliant with the requirements and subsequently forwarded the nomination to the Office of the President for approval.”

Sa malayang talakayan sa Forum sa AC, nabuksan ang mga isyu ng mga istrukturang hindi pa natatapos sa UPD, ang isyu ng promosyon, sahod ng mga kawani, kaguruan, at mga contracts of services, maging ang mga agencies, at regularization, at ang wellness break ng mga mag-aaral.

Mga lumahok sa Search Forum sa AC. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPD Opisina ng Impormasyon
  • Share: