Notices

Mensahe ng Tsanselor sa Komunidad ng UP Diliman

Minamahal na mga Kasapi ng Komunidad ng UP Diliman,

 

Noong ika-15 ng Agosto 2020 ay opisyal nang binuksan ang Silungang Molave (SiM), ang isolation facility (pasilidad pang-isolate) na magseserbisyo sa ating komunidad. Sa ngayon, ang SiM ay may 39 na kama  ̶ 20 kama ang nakatalaga para sa mga may kaso ng COVID-19 na hindi malala at 19 na kama para sa mga na-expose at naghihintay ng resulta ng kanilang pagsusuri. Padadamihin natin ang bilang ng mga kama kung kinakailangan. Uunahing maserbisyuhan ang mga nasasakupan ng UP at ang mga residente ng ating Barangay.

Ang pagbubukas ng SiM ay bahagi ng ating isinaayos na estratehikong tugon sa pandemya. Sa mga nakaraang linggo, nakita natin ang paglaki ng bilang ng mga kaso sa Barangay UP Campus, ngunit walang mapagdalhan na lugar sa mga pasyente para sila ay maalagaan at magpagaling. Habang ang ating UP Health Service-Public Health Unit (UPHS-PHU) ay doble-kayod  sa pagmo-monitor ng mga kaso, sila ay may mapanghamon na gawain na makahanap ng mga lugar pang-isolate para sa mga maysakit sa ating komunidad. Habang ang mga pasilidad sa ating lungsod ay puno na, marami sa mga maysakit ang kinailangang manatili sa tahanan at may panganib na makahawa sa kanilang mga pamilya.

Ang Silungang Molave ay tugon sa agarang pangangailangan para sa isang pasilidad na nakabase sa komunidad kung saan ang ating mga kasapi ay mabibigyan ng maayos na pangangalaga. Sa SiM, ang mga hindi makakapag-self-isolate sa tahanan ay magkakaroon ng lugar kung saan sila makakapagpagaling. Ito rin ay lugar kung saan ang mga maysakit ay makakapagpahinga nang hindi nag-aalala na maaari nilang mahawa ng virus ang mga mahal nila sa buhay. Bilang estratehiyang pampublikong pangkalusugan, magagawa na nating ma-isolate ang maysakit upang mapigilan ang lalong pagkalat ng virus.

Alam kong nagdulot ng agam-agam sa ilan sa ating mga nasasakupan ang paggamit ng Molave Dorm bilang pasilidad pang-isolate. Dahil sa walang katiyakang sitwasyon, nauunawaan ko ito. Ngunit, kumonsulta kami sa mga epidemiologist at mga eksperto sa biosafety na nagbigay ng kasiguruhan sa amin na ang pagkakaroon ng pasilidad sa loob ng kampus ay hindi magdudulot ng panganib sa UP Diliman. Ipinapaalala namin sa komunidad na ang COVID-19 ay naipapasa sa pamamagitan ng mga patak ng likido at direktang paghawak. Hindi ito naglalakbay sa malalayong distansya sa pamamagitan ng hangin at hindi ito makakaabot sa ating mga tirahan sa ganitong paraan. Ang transmisyon na posibleng makuha sa hangin (airborne transmission) ay madalas na nangyayari sa mga saradong lugar o walang labasan ng hangin.

Ang ating karanasan sa Kanlungang Palma, ang ating unang pasilidad pang-isolate na isinara noong Hulyo 11, 2020, ay nagbigay rin sa atin ng mga aral. Isinapuso namin ang mga iyon, habang ipinagpatuloy namin ang Silungang Molave. Bilang unang hakbang, bumuo kami ng espesyal na komite upang repasuhin ang mga operasyon ng Kanlungang Palma at ng UPHS. Ang komite, na kinabibilangan ng isang infectious disease expert mula sa Philippine General Hospital, ay nagrekomenda ng mga hakbang upang mapigilan ang paglaganap ng sakit sa hinaharap at masiguro ang kaligtasan ng ating mga health care worker. Ang nasabing komite ang mahigpit ding magmo-monitor ng mga operasyon ng SiM sa mga susunod na buwan.

Bukod sa pagtatatag ng mga internal mechanism (mekanismong panloob), ang SiM ay sumailalim sa maayos na proseso ng akreditasyon ng Department of Health (DOH) at nasa ilalim ng teknikal na pangangasiwa ng Quezon City Health Department. Imo-monitor din ng DOH ang pasilidad.

Bilang paghahanda sa pasilidad, ang ating UPHS ay nag-hire ng apat pang mga doktor at tatlong nars upang mapangalagaan ang ating mga pasyente sa pasilidad. Bilang karagdagan, ang pasilidad pang-isolate ay may kumpletong kawani: tagapamahala ng pasilidad, inspektor sa kalinisan, mga tagasilbi ng pagkain, at mga kawani na tagapanatili ng kaayusan at kalinisan, na magbibigay ng pangkalusugang pangangailangan ng mga pasyente habang sila ay patungo sa mabilis na paggaling.

Nais kong pasalamatan ang ating UPHS at ang UP Diliman COVID-19 Task Force sa walang kapagurang pagtatrabaho nitong mga nakaraang linggo upang maihanda ang Silungang Molave para sa ating komunidad.

Panghuli, bilang bahagi ng pambansang unibersidad, tinawag ang UP Diliman upang gampanan ang pangako nitong maglingkod sa kalakhang komunidad. Ang pangangalaga sa maysakit at mahihina ay bahagi ng responsibilidad na ito. Ang kahinaan ng isang kasapi ay kahinaan ng komunidad.

 

Fidel R. Nemenzo
Tsanselor