Sa saliw ng mga sayaw, awit, at audiovisual presentation, matagumpay na idinaos ng UP Diliman (UPD) ang Pagbubukas ng UPD Linggo ng Parangal 2025 (Pagbubukas ng LnP 2025) nitong Mayo 5 sa Multipurpose Hall ng Arts and Design West Hall ng Kolehiyo ng Sining Biswal (College of Fine Arts / CFA).
Ang LnP 2025 ay may temang Mga Puwersa ng Pagbabago. Ang Pagbubukas ng LnP 2025 ay pinangunahan ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangkomunidad (Office of the Vice Chancellor for Community Affairs / OVCCA).
Itinampok sa Pagbubukas ng LnP 2025ang Gawad Tsanselor para sa Natatanging Lingkod Komunidad at ginunita ang ika-76 na taon na anibersaryo ng paglipat ng Oblation mula sa kampus ng UP Manila patungong Diliman.

Ayon sa OVCCA, ang parangal sa natatanging lingkod komunidad ay iupang “bigyang-pagkilala at pagpupugay ang mga nag-ambag sa pagpapabuti ng kalagayan ng kapaligiran, pagtitiyak sa mabuting kalusugan, pagpapahalaga sa seguridad at kapayapaan, pagpapabuti sa pabahay at paninirahan, at paglikha ng maigting na ugnayan at relasyong pangkomunidad ng UPD.”
Hinikayat ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II ang mga kasapi ng komunidad ng UPD—mga guro, kawani, mag-aaral, at mga residente—na manatiling mga lunsaran ng pagbabago sa lipunan.
“Ang UPD ay naging isang mahalagang puwersa ng pagbabago sa lipunan. Tumitindig laban sa mga katiwalian at kamalian sa pamamagitan ng dunong at aktibismo,” ani Vistan. “Ang komunidad dito sa UPD ay patuloy na nagiging bahagi ng mga nagtutulak ng pagbabago. Inaalay natin ang ating lakas, galing, dunong, at kakayahan sa iba’t ibang larangan para sa mas nakararami,” dagdag niya.

Naghandog ng mga sayaw ang UP Filipiniana Dance Group, ang opisyal na pangkulturang tagapagtanghal ng UPD; ang Athletes of God, isang grupo ng mga kabataang mananayaw mula sa Barangay Pansol, Lungsod Quezon; at ang kawani ng UPD na nagsagawa ng isang flash mob.

Nag-alay naman ng kanilang mga awit ang mga GMA Kapuso Stars at kasapi ng Sparkle GMA Artist Center (Sparkle) na sina Hannah Prescillas at Jennie Gabriel.

Gamit ang sining ng pagguhit at musika, nagpalabas ng limang maiikling videos sa Poiesis 2025, isang interdisiplinaryong kolaborasyon sa pagitan ng mga estudyante ng Visual Communication 27C ng CFA at Music Education 100 ng Kolehiyo ng Musika.
Ipinakita rin sa isang video ang mga nagdaang nanalo ng Gawad Tsanselor para sa Natatanging Komunidad: si Violeta Villaroman-Bautista, PhD ng UPD Psychosocial Services (2021) at ang UP Community Chest Foundation, Inc. sa pangunguna ni Aileen V. Reyes, PhD (2018).


Samantala, binanggit ni Bise Tsanselor Jerwin F. Agpaoa ng mga Gawaing Pangkomunidad ang mga gawain ng LnP 2025 at pinasalamatan ang lahat ng naging bahagi ng matagumpay na pagbubukas nito.

Pinasalamatan din niya ang mga dumalong organisasyon ng mga lingkod komunidad sa UPD: ang Persons with Disabilities in Barangay UP Campus Association, Bantay Palaris Volunteer Movement, Pook Village B Bantay Tagapamayapa Volunteer Movement, Pook Dagohoy Bantay Tagapamayapa Volunteer Movement, Samahan ng mga Kababaihan sa Pook Palaris, at ang Senior Citizens Movement ng Pook Palaris.
Nagsilbing tagapagpadaloy ng palatuntunan si Rain Matienzo, isang alumna mula sa Kolehiyo ng Midya at Komunikasyon (dating Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla) at kasapi rin ng Sparkle.