Campus

Itigil ang pamamaslang. Itaguyod ang pananaig ng batas.

Pahayag ng Konseho ng Unibersidad ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman

Bilang mga miyembro ng kaguruan ng Unibersidad ng Pilipinas, ang pambansang Unibersidad, itinataguyod namin ang pananaig ng batas, ang paggalang sa mga karapatang pantao na nakapaloob sa Konstitusyon ng Pilipinas—higit lalo, ang karapatan sa buhay at kalayaan, wastong pamamalakad ng batas, karapatan laban sa arbitraryong aresto at detensyon—at iba pang kalayaang sibil na kinakailangan sa pag-iral ng ating mga demokratikong institusyon.

Kami ay lubos na nababahala sa dumaraming bilang ng mga hindi nalulutas at hindi naipapaliwanag na kaso ng pagpaslang kaugnay sa isinasagawang kampanya laban sa droga. Ipinapahayag namin ang aming pagkapoot dahil sa nangyaring pagpaslang kina Kian Loyd de los Santos, Carl Angelo Arnaiz, Reynaldo De Guzman at iba pang kabataan at mahihirap na mamamayan. Ang kanilang kamatayan ay repleksyon ng brutal na pamamaraan ng mga alagad ng batas, na higit pang hinihikayat ng proteksyon at retorika ng Pangulo na nagpapairal sa kawalan ng pananagutan at ligalig.

Ang diumano’y “pagsugpo sa droga” na marapat sanang pigilan at usigin ang pinagmumulan, na protektado ng mga narko-politikong interes at mga makapangyarihang indibidwal, bilang mga malalaking negosyo sa likod ng kalakalan at pag-abuso sa droga. Ang kampanya laban sa droga ay hindi marapat maging madugo laban sa mga mahihirap, na may kakaunti o walang kakayahang proteksyunan ang kanilang mga sarili mula sa mabangis na krimen sa droga at sa namamayaning panlipunang kurapsyon.

Ipinahahayag namin ang aming lubos na pagkabahala sa pagguho ng mga demokratikong prinsipyo at sa nagbabantang awtoritaryan na pamamahala sa ating bansa, na nakikita sa kabi-kabilang pamamaslang kasunod ng deklarasyon ni Duterte ng malawakang pagsugpo sa droga at pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao. Tinutuligsa namin ang anumang pagbibigay-katuwiran sa mga pagpaslang bilang “kinakailangang kasamaan,” at mariin ang aming pagkondena sa batas militar at pagwawalang-bahala sa ating mga karapatang sibil.

Ang ating Unibersidad ay marapat na magsilbing hudyat ng liwanag laban sa paglapastangan sa mga karapatang pantao at sa lumalalang awtoritaryanismo ng kasalukuyang administrasyon. Hinihikayat namin ang aming mga kapwa guro na magkaisang tumindig, magsagawa ng mga talakayan, mga teach-ins para sa ating mga mag-aaral at sa pangkalahatang publiko upang isulong ang pagpapahalaga sa karapatang pantao, respeto sa mga kalayaang sibil, at paglaban sa awtoritaryang pamumuno.

Kami, bilang mga guro ng UP, ay marapat na magsilbing mga mapanuring tinig upang ipaalala sa pamahalaan ang tungkulin nito para sa serbisyo, pagtaguyod sa kabutihan ng publiko, proteksyon at pangangalaga sa kagalingan ng mamamayan.

Mariin kaming nananawagan sa pamahalaan na itigil ang mga pamamaslang at itaguyod ang pananaig ng batas!


Ang pahayag na ito ay pinagtibay ng Konseho ng Unibersidad sa pulong nito noong Setyembre 4, 2017. Binubuo ang Konseho ng Unibersidad ng mga regular na gurong may antas na Propesor,

Kawaksing Propesor, at Katuwang na Propesor.


Stop the killing. Uphold the rule of law.