Academe

Evasco, Mananaysay ng Taon

(AGOSTO 29)—Si Prop. Eugene Y. Evasco, PhD ng Kolehiyo ng Arte at Literatura Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, ang “Mananaysay ng Taon 2020.”

Siya ay hinirang ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) nitong Agosto 28 ng kanyang makamit ang unang gantimpala ng timpalak na “Sanaysay ng Taon” para sa kanyang sanaysay na “Mga Talinghaga ng Pagkalinga, Mga Retorika ng Pandemya: Kapangyarihan ng mga Infographics at Tungkulin ng Pagsasalin sa Paglupig ng COVID-19.” “

Bukod sa karangalang “Mananaysay ng Taon,” nakatanggap din siya ng P20,000, medalya at plake.

Samantala, ang ikalawang gantimpala sa timpalak ay iginawad kay Christian Jil R. Benitez para sa sanaysay na “Tungo sa Dalumat ng Pulo: Isang Pag-iisang Nakikiisa,” at ang ikatlong gantimpala ay nakamit ni Precioso M. Dahe Jr. para sa “Sakuban ni Bonifacio: Ang Tala ng Simbolistikong Paggalugad sa Basaysay ng Kasaysayan at Kalinangang Filipino.”  Si Benitez ay nakatanggap ng P15,000 at isang sertipiko, habang si Dahe naman ay nagkamit ng P10,000 at isang sertipiko.

Si Evasco ay propesor ng panitikan at malikhaing pagsulat, bukod sa pagiging manunulat, editor, tagasalin, at kolektor ng mga aklat pambata.  Natanggap siya bilang Research Associate sa “International Youth Library” sa Munich, Germany noong 2016 at pinagkalooban ng Frankfurt Buchmesse ng study grant para sa mga editor ng aklat pambata noong 2017.

Ayon sa KWF website, ang “Sanaysay ng Taon” ay taunang timpalak ng KWF “na naglalayong himukin ang mga natatanging mananaysay ng bansa na ilahok ang kanilang mga akda.” Para sa taong ito, ang paksa ng sanaysay ay tungkol sa “pagtalakay sa saliksik hinggil sa kahalagahan at tungkulin ng wika sa paghubog ng kasaysayan ng Pilipinas at kulturang Filipino.”

Ilan sa mga nailimbag na aklat ni Evasco ay ang “Mga Pilat sa Pilak: Mga Personal na Sanaysay”(UST Publishing House, 2011), “May Tiyanak sa Loob ng Aking Bag: Mga Tulang Pambata” (Anvil Publishing, Inc., 2012), “Ang Singsing-Pari sa Pisara” (Lampara Publishing House, Inc., 2014), “Ang Nag-iisa at Natatanging si Onyok”(Lampara, 2015) at ang salin ng “Charlotte’s Web”(Lampara, 2015) ni E.B. White at ang “The Secret”(Anvil, 2016) ni Lin-Acacio Flores.

Si Evasco ang nagkamit ng 2014 UP Gawad sa Natatanging Publikasyon sa Filipino (Kategorya ng Malikhaing Pagsulat). Siya rin ay nagwagi sa iba’t ibang patimpalak sa pagsusulat kabilang na ang prestihiyosong Carlos Palanca Memorial Awards kung saan naging bahagi siya ng Hall of Fame para sa Carlos Palanca Award for Literature noong 2009.

 

 

Photo credit:
Prop. Eugene Y. Evasco, PhD –https://www.facebook.com/photo?fbid=10155906697230766&set=a.425632310765

  • Share:
Tags: