Campus

Buwan ng Wika 2016

buwan ng wika2016

Itinataguyod ng Opisina ng Tsanselor ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, sa pangunguna ng Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2016 sa UP Diliman na may temang “Wikang Filipino: Lunan ng Kaalamang Bayan, Lunsaran ng Makabayang Kamalayan.”

Ipinagdiriwang sa buong bansa ang Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto bilang pagtalima sa Proklamasyon Blg. 1041 ni dating pangulong Fidel V. Ramos. Sa pamamagitan ng paglulunsad ng serye ng mga aktibidad sa UP Diliman ngayong Agosto 2016, itatampok ang halaga at kontribusyon ng wikang Filipino sa pagbuo ng mga kaalamang patuloy na lumilinang sa iba’t ibang akademikong disiplina sa Unibersidad. Higit pa, sinusuong ng pagdiriwang ang pagtalunton sa kasaysayan at ambag ng wikang Fililipino bilang lunsaran sa paghubog ng ating pambansang kaakuhan.

Tampok din ng pagdiriwang ang Palisi sa Wika ng Unibersidad ng Pilipinas na may layuning gamitin at paunlarin ang wikang Filipino sa larangan ng komunikasyon, pagtuturo at saliksik. Higit pa, pagkakataon din ito upang patunayan ang silbi ng wikang Filipinosa pagsulong ng kamalayang nagtataguyod ng makabayang diwa ng mga guro, mag-aaral, mananaliksik, at iskolar sa Unibersidad, at sa mas malawak na hanay ng mamamayang Pilipino.

Iniimbitahan ang lahat na dumalo, makiisa at makibahagi sa nakahanay na mga aktibidad sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2016 sa UP Diliman:

Hakbang Kamalayan

Pagsabit ng mga teksto sa Filipino na nagsusulong ng  kamalayan at karapatang pangkasarian sa paligid ng UP Academic Oval mula Agosto 13-31, 2016 bilang pakikiisa ng UP Diliman Gender Office.

Buklatan sa Pamantasan

Ang  tatlong araw na pagbebenta ng libro ng iba’t ibang pablisyer: (Adarna House, Inc C&E Publishing, Inc, Ilaw ng Tahanan Publishing Corporation, University of Santo Tomas Publishing House, National Institute for Science and Math Educ Dev’t, ABS-CBN Publishing Inc., UP Press, Ateneo Press, New Day Publishers, Visprint, Inc., Christian Literature Crusade, Sheperds Voice Publication, Artsbook.ph, Popular Book Store, Brilliant Creations Publishing, The Bookmark, OMF Literature, Philippine Christian Bookstore, at Mindworks – The Toy Shoppe) mula Agosto 30, 2016 hanggang Setyembre 1, 2016, 8:00nu-5:00nh sa UP Balay Kalinaw. Abangan din ang pagbibigay ng diskawnt sa mga publikasyon ng Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman.

Serye ng Talasalitaan

Ang Talasalitaan ay regular na talakayan na isinasagawa ng SWF-UPD na nagtatampok ng iba’t ibang paksa sa wikang Filipino ukol sa iba’t ibang larang at disiplina sa UP Diliman upang isulong ang Palisi sa Wika ng Unibersidad ng Pilipinas. Tampok sa tatlong Talasalitaan ang mga sumusunod na paksa:

Talasalitaan 1: Ang Filipino bilang Lunsaran sa Pagbuo ng mga Bagong Kaalaman sa Sining, Siyensiya at Teknolohiya/Mga tagapagsalita/Dr. Jose Maria Balmaceda,  Dr. Grace Aguiling-Dalisay at Dr. Ramon Guillermo/Agosto 30, 2016/8:00nu-11:00nu/UP Balay Kalinaw

Talasalitaan 2: Mga Susing Salita: Pagbuo ng Diskurso sa Konseptong Filipino/

Mga tagapagsalita: Dr. Melba Maggay, Dr. Neil Santillan, Dr. Leocito S. Gabo

at Dr. Glecy Atienza/Agosto 31, 2016/9:00nu-11:00nu/UP Balay Kalinaw

Talasalitaan 3: Pagmulat ang Pagsulat: Ang Makabayang Panitikan sa Panahon

ng Facebook, Twitter at Instagram/Mga Tagapagsalita: Prop. Ferdinand Jarin, Bb. Kerima Tariman, Prop. Joselito Delos Reyes, at Dr. Reuel Molina-Aguila/ Setyembre 1, 2016/1:00nh-4:00nh/ UP Balay Kalinaw

Gawad Rogelio Sicat 2016

Bilang pagkilala sa ambag ni Rogelio Sicat sa pagsulong ng wikang Filipino sa larangan ng malikhaing pagsulat, pananaliksik at panunuring pampanitikan, at pakikiisa ng SWF-UPD sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, itinataguyod ang Gawad Rogelio Sicat 2016: Timpalak sa Pagsulat sanaysay, tula, at maikling kuwento. Bukas ang patimpalak sa lahat ng mga mag-aaral sa UP System sa masteral at andergradweyt na programa. Maaaring bisitahin ang gawadrogeliosicat2016.wordpress.com  para sa iba pang detalye at tuntunin ng patimpalak. Iaanunsiyo ang mga nagwagi sa patimpalak sa Agosto 31, 2016, 11:00nu–12nt sa UP Balay Kalinaw. Kasamang tagapagtaguyod din ng patimpalak ang UP Kolehiyo ng Arte at Literatura.

Gawad at Lunsad

Sa Agosto 30, 2016, 11:00nu–12nt  sa UP Balay Kalinaw, bibigyang-pagkilala ang mga ginawaran ng Gawad Teksbuk ng SWF-UP Diliman at ilulunsad ang aklat na Glosari sa Paggawa ng Damit, gayundin ang tatlong isyu ng Daluyan: Journal ng Wikang Filipino (Klasikal na Isyu, Regular na Isyu at Espesyal na Isyung Pampanitikan). Sa Setyembre 1, 2016 4:00nh-5:00nh, ilulunsad naman ang bidyo-dokumentaryong “Sa Madaling Salita: Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa” at ang bagong website page ng SWF-UPD (sentrofilipino.upd.edu.ph).

Sa Madaling Salita: Talakayan sa Wika at Bansa

Isang espesyal na programang panradyo ng SWF-UPD sa pakikipagtulungan ng DZUP. Mapapakinggan ang espesyal na programa sa ikatlong linggo ng Agosto 23-26, 2016 sa DZUP 1602, Kasali ka!

Pluma at Papel

Lektyur sa pagsulat sa Filipino at paligsahan sa pagsulat ng sanaysay para sa mga bagong Iskolar ng Bayan sa pangunguna ng University Student Council bilang pakikiisa ng konseho sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2016 sa UP Diliman.

Bahaginan ng Kaalaman

Sa huling araw at pagsasara ng pagdiriwang, ipapamahagi ang ilan sa mga piling aklat at publikasyon ng SWF-UPD sa mga pampublikong paaralang elementarya at hayskul sa Lungsod Quezon sa Setyembre 1, 2016, 1:00nh-4:00nh sa UP Balay Kalinaw.  Katuwang din sa pamamahagi ng mga aklat ang ilang organisasyon ng mga mag-aaral sa UP Diliman sa pangunguna ng UPD Office of Student Activities.

Ang mga nakahanay na programa’t aktibidad ay naging posible sa tulong at suporta ng mga sumusunod: Opisina ng Tsanselor, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Diliman Gender Office, UPD Office of Student Activities, DZUP, University Center for Women’s and Gender Studies, University Student Council, at KATAGA.

Libre ang pagdalo sa lahat na tampok na talakayan at/o aktibidad. Kailangan lamang magparehistro sa mismong araw ng aktibidad.

Ang UP Sentro ng Wikang Filipino Diliman (UP SWF) ay akademikong institusyon sa ilalim ng Opisina ng Tsanselor ng UP Diliman na nagtataguyod sa wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo, saliksik at publikasyon, at opisyal na komunikasyon ayon sa tadhana ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, seksiyon 6 at 7.

Para sa dagdag na detalye at impormasyon, makipag-ugnayan sa mga telepono bilang (02)-981-85000 lokal 4583, (02)-426-5838, o mag-email sa swf@upd.edu.ph. Maaari ring bisitahin ang website ng SWF-UPD sa sentrofilipino.upd.edu.ph at/o facebook page www.facebook.com/UPsentrowikangfilipino.  Personal din kaming bisitahin sa 3/Palapag,Paaralan ng Pagpaplanong Urban at Rehiyonal (SURP) E. Jacinto Street, UP Diliman Lungsod Quezon. Hanapin lamang si Bb. Elfrey Vera Cruz o G. Rondale Raquipiso.