Sa kabila ng malakas na ulan, matagumpay na inilunsad ng UP Diliman (UPD) Psychosocial Services (PsycServ) ang kanilang aklat na Ang Ginhawa bilang Hangarin at Balangkas sa Paglikha ng Mapagkalingang Unibersidad (Ginhawa) sa Ignacio B. Gimenez Gallery.

Ayon sa Facebook (FB) page ng PsycServ, ang Ginhawa ay isang “libro ng mga pag-aaral at karanasan tungkol sa papel ng ginhawa sa mga programang lusog-isip. Ang mga artikulo sa ginhawa ay hindi lamang sa konteksto ng unibersidad, kundi maging sa karanasan ng mga publikong Pilipino. Ang libro ay magsisilbing sanggunian para sa mental health professionals at lay workers, pati na rin para sa mga guro at mag-aaral ng sikolohiya at allied mental health.”
Sa patnugot nina Violeta V. Bautista, PhD, RPsy at Divine Love A. Salvador, PhD, RPsy ang aklat ay naglalaman ng 14 na kabanatang hinati sa apat na bahagi: Pagbubukas Malay sa Ginhawa, Pagpapadaloy ng Ginhawa, Mga pamamaraan sa Pagpapadaloy ng Ginhawa, at Pagpapalawak ng Abot ng Ginhawa.
Si Bautista ang nakaraang direktor ng PsycServ, samantalang si Salvador ang kasalukuyang direktor. Si Bautista ay propesor emeritus sa UPD Departamento ng Sikolohiya (Department of Psychology / DPsych), kung saan si Salvador naman ay kawaksing propesor.
“Ginhawa is a milestone in Philippine academia. More than that, it is a call. A call for care. A call for courage. A call to create spaces where hearing, belonging, and compassion are not afterthoughts but the core of how we teach, how we live, and how we lead as a national university,” paliwanag ni Pangulo Angelo A. Jimenez ng UP sa paglulunsad.

Ayon naman kay Bautista, “ang librong ito ay binuo ng mga sikolohista mula sa PsycServ. Bagamat ang aklat na ito, sa unang dating, ay may pagka-akademiko dahil sa ito ay katipunan ng mga pagbubulay at pag-aaral na batay sa ebidensiya at mga kaalaman, sa loob nito ay may mga kuwento ng pagtugon sa hamon ng pagpapadaloy ng ginhawa sa ating Unibersidad.”

Nagbigay rin ng kanilang mensahe ng pagbati sina Elizabeth P. De Castro, PhD, retiradong propesor ng DPscyh at isa sa mga kaakibat sa mahalagang tahakin ng pagsulong ng ginhawa sa komunidad, at Jholyan Francis S. Fornillos, katuwang na propesor sa UP Los Baños at kasalukuyang pangulo ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP).
Ani Bautista, “isang malaking development sa pagsulong ng ginhawa sa Unibersidad ang pagkilala ng mga guro, kawani, mag-aaral, at administrasyon nito sa prinsipyo na dapat lamang sadyain ng UP ang nakakaginhawang pagtuturo at pagkatuto.”

Sa kanyang pangwakas na mensahe, nagpasalamat si Salvador sa mga naging bahagi para mabuo ang aklat, pati na ang buong opisina ng PsycServ.
“Itong libro pong ito ay resulta ng pakikipagtulungan ng PsycServ sa PSSP, at pati sa National Commission for Culture and the Arts–Philippine Cultural Education Program (NCCA-PCEP). Nagpapasalamat po kami dahil kung hindi dahil din sa funding ng NCCA-PCEP, hindi rin po namin mabubuo ang librong ito,” saad ni Salvador.
Pagwawakas niya, “ginhawa is not just about personal responsibility. It is a shared and collective responsibility. Ang ginhawa ng isa ay ginhawa ng lahat. Ang ginhawa ng lahat ay ginhawa ng isa,” pagwawakas ni Salvador.

Nagsilbing tagapagpadaloy ng paglulunsad sina Michelle D. Ong, PhD at Jose Antonio R. Clemente, PhD, kapwa propesor sa DPsych.
Ang bawat kopya ng libro ay nagkakahalaga ng PHP500, at maaaring bilhin sa pamamagitan ng order form: https://bit.ly/GinhawaBookOrderForm o pag-scan ng QR code na nasa FB Page ng PsycServ.

