Campus

ACF 2026 binuksan ng isang perya

Nakaranas ka na bang pumunta sa isang perya?

Muling nasaksihan at naranasan ng komunidad ng UP Diliman (UPD) ang mga tanawin at tunog ng isang perya sa pagbubukas ng UPD Arts and Culture Festival 2026 (ACF 2026).

Bungad ng peryahan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon
Mga booth sa peryahan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Ang seremonya ng pagbubukas ng ACF 2026, na may temang Pista ng Kaalaman sa Peryahang Diliman (Peryahang Diliman), ay naganap nitong Pebrero 5 hanggang 6 sa Osmeña Avenue, sa harapan ng Carillon Plaza at ng Teatro ng Unibersidad. Ang Peryahang Diliman ay nabuo sa pakikipagtulungan ng UPD Opisina para sa Pagpapasimuno ng Kultura at mga Sining (Office for Initiatives in Culture and the Arts / OICA) at ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa Gawaing Akademiko sa pamamagitan ng UPD Programang Pagpapamana ng Dunong Katutubo mula sa mga Tagapag-ingat ng Kalinangan o ang UPD Culture Bearers-in-Residence Program (CBiR).

Gamit ang tema ng ACF 2026 na Isang Unibersidad para sa Inklusibo at Mapagkalingang Lipunan, pinangunahan ng OICA ang Peryahang Diliman na puno ng masasayang musika, makukulay na imahe, at makabuluhang mga gawain.

“Para sa maraming Pilipino, ang perya ay isang lugar ng pagtitipon para sa mga miyembro ng isang komunidad na masaya, mahiwaga, at bukas sa lahat ng nais makibahagi,” ani UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II.

Ang mga nagtanghal noong pasinaya ng perya noong Pebrero 5 ay ang Pandacan Community Band, UP Dance Company (UPDC), at ang UP Dance Ensemble na kinabibilangan ng UPDC, UP Filipiniana Dance Group, at UP Dancesport Society.

Pandacan Community Band. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon
UP Dance Ensemble. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Sinabi rin ni Vistan na sa perya ay malayang naipapahayag ng taumbayan ang mga sentimiyentong itinuturing na subersibo. Ito ay dahil sa taliwas ang mga ito sa mga nakasanayang pag-iisip at kaugalian na nagpapalaganap ng pang-aapi at hindi pagkapantay-pantay sa lipunan, “kasama na ang pagpuna sa mga umiiral na katiwalian sa gobyerno.”

“Sa pamamagitan ng ating perya, bibigyan tayo ng pagkakataong matuto tungkol sa iba’t ibang pamamaraan ng pagkalinga sa ating Unibersidad at sa mas malawak na lipunan. Ang hangarin para sa isang mundong pantay at tunay na malaya ay hindi maisasakatuparan kung hindi natin isasaloob ang daing at pinanggagalingan ng bawat isa,” pahayag niya.

Vistan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon
Mga dumalo sa peryahan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Sa kanya namang pambungad na mensahe, pinakita ni Direktor Monica Fides Amada W. Santos ng OICA, ang mga kaibahan ng Peryahang Diliman sa mga nagdaang seremonya ng pagbubukas ng ACF.

Ang Peryahang Diliman ay dalawang araw na ginanap, ’di tulad ng mga nakaraang pagbubukas na tumatagal lang ng halos dalawang oras.

“Pangalawa, nakatayo ang ating perya sa gitna ng daan, imbes na diyan sa Amphitheater o sa Sunken Garden. So, maraming naabala. Kasi ganyan ang perya, disruptive talaga siya. Hinihikayat tayong lumabas at sadyain ang perya para makalaya saglit sa suya at pagod ng ating araw-araw na pamumuhay para makaranas ng panandaliang ligaya, tuwa, at kilig,” paliwanag ni Santos.

“Pero sa peryang ito, ang ating ginawang abala, o gulo, ay isang malakas na kalabit, o baka hampas pa, sa ating komunidad para kumilos upang matamo ang sustenable, makatarungan, at makataong lipunan para sa lahat,” ani Santos. “Kasama rito ang pagbigay-pansin sa mga katiwalian ng ating lipunan na bunga ng pagpapatuloy sa mga nakagawian ng mga kasanayan at pamamaraan ng pamumuno at pamumuhay. Ito naman ang mensahe na makikita natin sa site design na ginawa ni Toym Imao,” dagdag niya.

Santos. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Dumalo rin sa Peryahang Diliman sina Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario at Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika Ramon P. Santos.

Ang Pista ng Kaalaman ay ang centerpiece ng Peryahang Diliman at idinisenyo ng komiteng bumubuo ng UPD Programang Pagpapamana ng Dunong Katutubo mula sa mga Tagapag-ingat ng Kalinangan (Culture Bearers-in-Residence Program / CBiR), sa pamumuno ni Sir Anril P. Tiatco, propesor mula sa UPD Departamento ng Komunikasyong Pasalita at Sining Panteatro.

Ang Pista ng Kaalaman ay binubuo ng mga talakayan, palihan, at mga kultural na pagtatanghal na sumasalamin sa pagtuklas ng inklusibong pedagohiya at produksiyon ng kalinangan. Ang mga talakayan ay isinagawa sa Jamboree Stage at ang mga palihan naman, sa Workshop Stage ng Peryahang Diliman. Ilan sa mga paksang tinalakay sa Jamboree Stage ay ang relasyon ng mga katutubong sining at kalinangan, pedagohiya at dunong katutubo, pagkain at ang relasyon nito sa lipunan at kultura, at ang impak ng Artificial Intelligence sa iba’t ibang aspekto at uri ng kaalaman.

Samantalang ang sayaw ng komedya, tradisyonal na hilot ng Cebu, Filipino Sign Language, ang sining ng puni, pagsayaw ng bulag sa gabay ng isang may paningin (o Blind Together, isang programang itinuro ng mga bisitang tagapagturo mula sa Thailand), tradisyon ng paggawa ng alak ng Ifugao, at pagtugtog ng gitara bilang alternatibong rehabilitasyon sa mga may sakit ay ilan sa mga palihang isinagawa sa Workshop Stage.

Sa pagsasara ng Peryahang Diliman noong Pebrero 6 sa tapat ng Carillon Plaza, binigyang-diin ni UPD Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko Maria Vanessa Lusung-Oyzon ang “mahalagang papel ng sining at kultura sa pagtataguyod ng isang makatao at inklusibong pamantasan.”

Lusung-Oyzon. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Nagsagawa ng ritwal si Ruben Maddul Gumangan, isang tagapag-ingat ng kalinangan mula sa rehiyon ng Cordillera at bahagi ng CBiR, habang nagtanghal naman sina RJ Balledos at Daniel Joseph Morabe ng Kolehiyo ng Musika, at ang Tapati at ang mga Tutubi.

Naging katuwang din sa pagtataguyod ng dalawang araw na seremonya ang mga samahan ng mga komunidad ng UPD, mga samahan sa mga kalapit-lugar ng kampus, mga samahan ng persons with disabilities, ang Barangay UP Campus, at ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon.—kasama ang ulat ni Joaquin Salazar, correspondent, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Sayaw ng pakikiisa ng mga dumalo sa peryahan. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Opisina ng Impormasyon
  • Share: