Campus

2025 UPD Year-End Program: Abé-abé/Kaisa

UPD 2025 Year-End Program omnibus poster. Poster na gawa nina Jules Baguio at Charles Benitez, student assistants, UP Diliman Information Office

(UP Diliman Information Office)—Ipagdiriwang ngayong Disyembre ng UP Diliman (UPD) ang 2025 Year-End Program na may temang Abé-abé/Kaisa.

Ang tema ngayong taon ay hango sa salitang Kapampangan na abé-abé na kung isasalin sa Filipino ay nangangahulugang pagsasama-sama. Kung titingnan naman ito sa perspektiba ng pangmundong pananaw (global perspective) ng mga Kapampangan, ito ay nagpapahiwatig ng pakikipag-isa.

Sa pagtatapos ng taon, pagninilayan ang naging papel ng Unibersidad upang maisulong ang diwa ng pagiging inklusibo at tutulan ang anumang uri ng diskriminasyon. Ipagdiriwang din ang pagiging sisidlan ng inklusibong paggawa ng UPD, na nagpamalas ng pagsisikap na pangatawanan ang abé-abé sa pagharap sa mga panganib na dulot ng mga panloob na tunggalian at iba’t ibang krisis pandaigdig.

Magsisimula ang 2025 Year-End Program sa Pag-iilaw para sa Pasko sa Disyembre 5, Biyernes, 5:30 n.h., sa Oblation Plaza. Ito ang hudyat ng pagsisimula ng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa UPD.

Ang seremonya ng pagsisindi ng mga Pamaskong ilaw sa buong kampus ay pangungunahan nina UP Pangulong Angelo A. Jimenez at UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II.

Matutunghayan din ang pagtatanghal ng UP Symphony Orchestra (UPSO), UPSO Symphonic Chorus, UPD College of Music (CMu) Chorus Class, at iba pang mga tagapagtanghal sa konsiyertong Pamaskong Handog ng UPSO at Abelardo na gaganapin sa Disyembre 12, Biyernes, 7 n.g., sa Teatro ng Unibersidad.

Sa mga nais dumalo, magrehistro lamang sa http://upsopasko2025.eventbrite.com.

Ito ay inihahandog ng UP Office of the President, UPSO, Orkestra ng Bayan, Inc., at ng CMu.

Ang pinakaaabangan at pinakatampok na aktibidad ng year-end program ay ang Paligsahan at Parada ng mga Parol. Ito ay gaganapin sa Disyembre 17, Miyerkoles, simula 4 n.h., sa Ampiteatro ng Unibersidad at Academic Oval.

Magkakaroon ng palatuntunan sa Ampiteatro ng Unibersidad kung saan matutunghayan ang mga musikal na pagtatanghal, paggawad ng premyo sa mga magwawagi sa paligsahan ng mga parol, Pamaskong awit mula sa komunidad, at fireworks display.

Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa Paligsahan at Parada ng mga Parol, basahin ang memorandum na inilabas ng UPD Office of the Vice Chancellor for Community Affairs sa https://upd.edu.ph/memorandum-no-jfa-25-34-pag-amyenda-sa-memorandum-no-jfa-25-33-re-paglisahan-at-parada-ng-mga-parol-2025/.

  • Share:
Tags: