Uncategorized

Linggo ng Parangal 2021 moved to June 21-25


Gawad Tsanselor 2021



4 na araw ng pagpupugay sa UPD

 

Tampok sa UP Diliman (UPD) ngayong Hunyo ang apat na araw ng pagkilala sa galing ng mga guro, mananaliksik, kawani, mag-aaral, programa at organisasyon na siyang bumubuo sa Unibersidad, gayon din ang pagpupugay sa paglilingkod ng kanyang yamang-tao.

Ang taunang Linggo ng Parangal ay birtuwal na masasaksihan sa live stream sa opisyal na website ng UPD (https://upd.edu.ph/2021-linggo-ng-parangal/) at sa ILCD YouTube channel (dilc.info/parangal2021) simula ngayong Hunyo 21 hanggang 25.

Ipagbubunyi nito ang katapatan, husay at katatagan ng mga tao at organisasyon sa UPD na naghatid ng karangalan, nagpamalas ng kagalingan at nagbigay pag-asa sa gitna ng panahong balot ng kahirapan, kalungkutan at kawalang katiyakan.

Sa Hunyo 21, 6 n.g., ipagdiriwang ang Suhay: Seremonya ng Pagbubukas, kung saan itatampok ang mga guro, mananaliksik, kawani, mag-aaral at alumni, na naging matatag na tukod ng UPD upang hindi ito mabuway sa bigat ng hamon ng panahon.

Ang mga tatanggap ng parangal sa seremonya ng pagbubukas ay ang: Act as One PH, Department of Industrial Engineering and Operations Research (DIEOR), DZUP, KapiLingg Language Lessons, Kolehiyo ng Inhenyeriya, Language Warriors PH (LWPH), Lingkod at Ugnayan ng Pangangailangan (LinkUP), Lopez Group Foundation, Inc., MTM Students and Alumni Volunteer Group, Office of Service-Learning, Outreach, and Pahinungod (OSLO-Pahingungod), Pantawid para sa mga Naghahatid, Reading, Early Grades, Arts and Language Education (REGALE) Cluster of the College of Education, UP Variates, UP Beta Epsilon Fraternity, UP College of Education Student Council, UP College of Human Kinetics Student Council, UP Engineering Research and Development Foundation Inc. (UPERDFI), UP Health Service, UP School of Statistics Student Council, UPD Ugnayan ng Pahinungod, at USC IskoOps.

Kikilalanin ang 21 grupong ito na walang pagod na nakikipasan sa mga pananagutan ng Unibersidad at naging huwaran sa paglilingkod at pagtataguyod ng kagalingang panlahat.

Sa Hunyo 22, 6 n.g., naman ang Parangal sa Mag-aaral kung saan kikilalanin ang mga angking galing ng gradwado at di-gradwadong mag-aaral ng UPD.

Itatampok dito ang mga University Scholar (US) o ang mga mag-aaral na nakakuha ng general weighted average (GWA) noong Unang Semestre ng Akademikong Taon 2020-2021 na hindi bababa ng 1.25.

Gagawaran din ng parangal ang mga nagsipagtapos na napabilang sa top 10 ng bar at licensure examinations gayundin ang mga samahang mag-aaral, at mga estudyanteng nagtagumpay sa iba’t ibang kompetisyon sa loob at labas ng bansa.

Sa Hunyo 24, 4 n.h. naman kikilalanin ang galing at katapatan ng yamang-tao ng UPD sa 2020 Parangal at Pagkilala para sa mga Kawani at Retirado ng Unibersidad ng Pilipinas.

Sa pagtatapos ng Linggo ng Parangal sa Hunyo 25, 6 n.g., idaraos ang Gawad Tsanselor 2021. Dito bibigyang-parangal ng Unibersidad ang mga guro, Research, Extension and Professional Staff (REPS), kawani, mag-aaral, programang pang-ekstensiyon at lingkod komunidad para sa kanilang mga natatanging pagpapamalas ng husay at dangal, at maalab na paglilingkod sa pamantasan at sa bayan.

Makakatanggap ng pinakamataas na pagkilala ng UPD ang 14 indibidwal, isang programang pang-ekstensiyon at isang organisyon.

Ang mga nagwagi ng Gawad Tsanselor ay binubuo ng limang miyembro ng fakulti, tatlong REPS, dalawang administratibong kawani, apat na mag-aaral, isang programang pang-ekstensiyon at isang organisasyon para sa lingkod komunidad.

Ang Gawad Tsanselor sa taong ito ay ang mga sumusunod:

Si Prop. Lorelei R. Vinluan, PhD (College of Education/CEd,) at ang UP COVID-19 Response Volunteers ang tatanggap ng Gawad Tsanselor para sa Natatanging Lingkod Komunidad; habang ang “Community-Led Integrated Non-Mercury Non-Cyanide Gold Extraction Method (CLINN-GEM) Technology for People’s Empowerment and Participation” (College of Engineering/COE at College of Social Work and Community Development) naman ang Gawad Tsanselor para sa Natatanging Programang Pang-Ekstensiyon.

Gawad Tsanselor para sa Natatanging REPS sina Joanna Rose T. Laddaran (Institute for Small-Scale Industries), Janus Isaac V. Nolasco (Asian Center) at Sharon Ma. Esposo-Betan (University Library); at sa Gawad Tsanselor para sa Natatanging Kawani: SP/SGT. Jaime H. Marquina (UPD Police) at Laurence Edward T. Macatangay (College of Science/CS).

Kinilala bilang Gawad Tsanselor para sa Natatanging Mag-aaral sina Eustaquio Adoptante Barbin III (College of Arts and Letters/CAL), Anna Lourdes Rigos Cruz (CEd), at Jaira Mathena Baetiong Angeles (COE), at Ricardo Juanito Balledos (College of Music).

Si Prop. Jem R. Javier (College of Social Sciences and Philosophy/CSSP) ang nahirang na Gawad Tsanselor para sa Natatanging Mananaliksik sa Filipino.

Samantala, sina Prop. Sir Anril P. Tiatco, PhD (CAL), Prop. John Andrew G. Evangelista (CSSP) at Prop. Jose Maria L. Escaner IV, PhD (CS) ang mga Gawad Tsanselor para sa Natatanging Guro.

 


Bilang akademikong institusyon at komunidad, ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ay maihahalintulad sa isang moog na paulit-ulit mang sinubok ng panahon ay nananatiling matatag na nakatindig. Bago pa man bumangon ang mga gusali ng kampus, ang kapaligiran ng Diliman ay naging himpilan at kanlungan ng mga kasapi ng himagsikan. Sa panahon ng batas militar ay kaisa pa rin ang UP Diliman sa pagtindig laban sa mapanikil na rehimeng nagtangkang yurakan ang kalayaan at karapatan ng lahat. Ang 493-hektaryang kampus ay naging linangan din ng dangal at husay, lunsaran ng mga ideya at adbokasiya, at mayamang balon ng mga pananaliksik at likhang-sining. Hanggang sa kasalukuyan, habang patuloy na sinusubok ng pandemya ang buong daigdig, hindi napatitinag ang UP Diliman. Kaakibat ito sa pagtuklas ng lunas, bolunterismo, pagpapakalap ng tamang impormasyon, at pagiging mapanuri at mapagmatyag laban sa naghahangad na makinabang sa hamong ito. Matatag na haligi at makabayang sandigan ang UP Diliman sa kabila ng kaliwa’t kanang akusasyon ng terorismo at sa gitna ng kawalang-pakundangan at korupsiyon. Kaya naman sa taong ito, bibigyang-pagkilala ang mga kasapi ng UP Diliman na gaya ng isang moog ay nagpapatuloy sa maalab at walang-kapagurang paglilingkod at pagmamalasakit sa sambayanan.

Suhay: Seremonya ng Pagbubukas
21 Hunyo, 6 n.g.
Program
Photo gallery

Parangal sa Mag-aaral
22 Hunyo, 6 n.g.
Program
Photo gallery

Parangal at Pagkilala para sa mga Kawani at Retirado ng Unibersidad ng Pilipinas
24 Hunyo, 4 n.h.
Program
Photo gallery

Gawad Tsanselor 2021
25 Hunyo, 6 n.g.
Program
Photo gallery