Inihayag kamakailan ng UP Opisina ng mga Ugnayang Internasyonal Diliman (UP Office of International Linkages Diliman / OILD) na inaprubahan na noong Marso ng UP Lupon ng mga Rehente (Board of Regents / BOR) ang mga kursong Filipino 3 (Fil 3) at Filipino 4 (Fil 4) bilang mga Kailangang Pantulay na Kurso (Required Briding Courses) ng mga regular na internasyonal na mag-aaral sa UPD sa antas ng associate at batsilyer.

Sisimulan ang pagpapatupad ng nasabing polisiya ngayong Agosto sa pagsisimula ng akademikong taon 2025-2026 sa UPD at pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa buong bansa.
Ayon sa sipi mula sa inaprubahang dokumento ng BOR, inaasahan na magbibigay ang mga kursong ito sa mga banyagang mag-aaral ng unibersidad ng “batayang kaalaman at kasanayan sa wikang Filipino para magampanan nila ang mga akademikong gawain.” Dagdag pa rito, “makakatulong din ang kaalaman at kasanayan sa Filipino sa pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan ng mga internasyonal na mag-aaral sa loob at labas ng unibersidad, at sa pagpapalalim ng kanilang pag-unawa sa kultura at lipunang Pilipino na malaking bahagi ng interkultural na komunikasyon.”
Ibinahagi ang aprubadong dokumento sa UPDate Online ni Ronel O. Laranjo, PhD, program development associate for student mobility ng OILD, ang opisinang nagpanukala na gawing mga kailangang pantulay na kurso ang Fil 3 at 4. Pagkatapos maipasa ang panukala sa mga pantulay na kurso sa Konseho ng Unibersidad o University Council noong Oktubre 2023, binuo ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko, OILD, Opisina ng Rehistrador ng Unibersidad, at Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ang mga tuntunin at patakaran para sa implementasyon nito.
Ang mungkahing gawing mga Kailangang Pantulay na Kurso ang Fil 3 at 4 ay bunga ng mga obserbasyon, datos, at karanasan ng mga propesor na nahihirapang makasabay sa klase ang mga internasyonal na mag-aaral dahil may kakulangan sila sa sapat na kasanayan at kakayahan sa wikang Filipino. Kabilang dito ang mga kursong Philippine Institution 100 (PI 100 / The Life and Works of Jose Rizal), Filipino 40 (Fil 40 / Wika, Kultura at Lipunan), at Kasaysayan 1 (Kasaysayan ng Pilipinas)—mga kursong kailangang kunin ng mga internasyonal na mag-aaral kung saan Filipino ang pangunahing wikang gamit sa pagtuturo.
Sa ulat ng OILD, 52% ng miyembro ng kaguruan ng DFPP ang may mga banyagang mag-aaral sa PI 100 at Fil 40. Karamihan sa mga mag-aaral na ito ay may “mababang lebel ng katatasan sa Filipino” kung kaya’t kinakailangan silang gabayan pa ng mga guro. “Kinailangan ng ilang guro na maglaan ng hiwalay na iskedyul para sa internasyonal na mag-aaral [at] may mga guro din na kinailangang gumamit ng Ingles sa klase para maintindihan ng banyagang mag-aaral ang aralin.”
Ayon sa OILD, sa pagiging pantulay na kurso ng Fil 3 at 4, “makasisigurong mabibigyan ng sapat na suporta at tulong ang mga regular na internasyonal na mag-aaral sa antas associate at di gradwado.”
Dagdag pa ni Laranjo, “Ang pagpapatupad ng polisiyang ito ay patunay ng pagsuporta ng Unibersidad sa paglinang at pagpapalakas ng wikang Filipino kaalinsabay ng internasyonalisasyon.”