Heuristikong Balangkas sa Institusyong Tamuk at Duwad ng Pantaron

Nabitin ba kayo sa naunang Binalot tungkol sa Pantaron Manobo?
May part 2. Samahan niyo kami sa isang malayang talakayan ng ‘Heuristikong Balangkas sa Institusyong Tamuk at Duwad ng Pantaron’ ni Myfel Paluga (at Aya Ragragio).
Kitakits sa ika-24 ng Marso, Miyerkules, ala-1 ng hapon.

Sa Kabundukang Pantaron, sa isang matandang daigdig na hindi nawawala kahit sa panahong ito, ay may mga entidad/bagay (at gawain) na tinatawag na tamuk at duwad (na karaniwang nauugnay, sa isang banda, sa mga kabayo, baboy, at manok; at, sa kabilang banda, sa mga nakasanayang bagay na ibinibigay bilang bridewealth). Dito nakapook sa magkaugnay na mga larangang ito, na hinuhudyat nitong dalawang durableng kategorya (tamuk at duwad), ang mahalagang tematiko ng “pag-aari” o “pagmamay-ari” ng ilang piling entidad—na isang usapin tungkol sa “katotohanang panlipunan” (o “katotohanang etniko”: le fait ethnique, sensu Zeus Salazar) at hindi lamang tungkol sa kanilang katayuang pisiko teknikal sa direktang ginagalawang pook.

Ang uri ng pag-uugnayan (sociality o social relationality) na lumilitaw mula sa panlipunang daloy (o “sirkulasyon”) ng mga naturang entidad na ito ay mas simple nating magagap kung babalangkasin sa loob ng isang payak/masaklaw na iskima (o estetika/disenyo) na tinatawag naming “pagtagpas at pagdugtong” (cut-and-link schema). Kumbaga, ang pinaka-“selula” (o pinaka-ubod) ng panlipunang ugnayan ng Matandang Pantaron ay nakasentro sa dalawang magkakawing na gawain: (a) may entidad na ipinapagitna (ang tamuk) upang “maputol” ang isang alitan o krisis pulitikal/pang-ekonomiya (“maputol” ang “naputol na relasyon”), at (b) may entidad na ipinapagitna (ang duwad) bilang pagsasakatawan—pagbibigay-bigat at materya—nitong pag-iral ng isang napakamahalagang proseso ng paglilikhang-pamayanan: ang “pagdudugtong ng dalawang bahay” (na isinasawika, sa malarawang paraan, bilang “pagdudugtong ng lilyongan [ridgepole]” ng nagkaka-asawahang mga “bahay” (ibig sabihin, ng dalawang kamag-anakan o “pamilya”).

Ang iba’t ibang mga panlipunang kilos/prosesong nakapaloob sa iskimang “pagtagpas/pagdugtong” na ito (makikita, halimbawa, sa kosmolohiya ng “pusod” ng isang bagong panganak na sanggol, sa aktwal na pagkanta ng isang epiko ng magu-ulaging, sa disenyo ng kaayusang pampamayanan [social organization], at marami pang iba) ay hindi hiwalay—masasabi ngang kaisa at ang mismong ideya—ng Manobong kategorya na goynawa (isang polisemikong kataga na nangangahulugang “hininga”, sa pinakaminimal na nibel, at papalawak bilang “isip”, “pagnanasa”, “buhay”, o/at “pag-ibig”, depende sa konteksto). Sa sentidong ito ng goynawa/hininga—bilang kategorya ng “pagtagpas/pagdugtong”—maaaring tawagin ang Mundong Pantaron bilang “mga lipunan ng hininga” (societies of goynawa).

Sa madaling salita, ang mga entidad/bagay na minamarkahan bilang tamuk at duwad ang direktang kumakatawan sa konsepto ng “pag-aari” at usapin ng “pagmamay-ari” ng tao ng ilang piling mga entidad. At ang mga “pag-aari/minamay-aring bagay” na ito ang nasa pusod ng paglilikhang-pamayanan, sa disenyo/istilo ng Matandang Pantaron.

——
Meeting ID: 835 7447 2513
Passcode: BinalotMAR

Posted: March 22, 2021 10:31