print preview

Stranded

Maria Kristina S. Gallego
BA Linguistics
2010 Summa Cum Laude Commencement Address


Nahahati ang buhay sa mga kabanata. Kung libro lang ang pag-uusapan, ngayong araw kumbaga ang wakas. Ito ‘yung puntong naaayos ang mga problema at tunggalian sa istorya, ‘yung naghahalikan ang bida at ang kanyang kapareha, ‘yung naghahalo ang lungkot at saya. Ngayon ang punto kung kailan natatapos ang kwento, kung kailan tinutuldukan ng manunulat ang istoryang kanyang binuo.

Para sa atin, pagwawakas nga sa isang kabanata sa buhay ang araw na ito. Paalam sa pagdadahilan sa magulang na gagawa ka ng kung anong project para sa kung anong class habang sa totoo lang ay kasama ang barkada sa kung saan mang galaan. Paalam sa gabi-gabing pagpupuyat hindi dahil gumagawa ka ng homework o nagbabasa ng readings kundi dahil nagbababad ka sa Facebook at nagbabasa ng mga kwento sa Narinig ko sa UP. Paalam sa mga walkout bilang protesta kuno, ‘yun pala’y didiretso lang sa mall para manood ng sine.

Tutuldukan na natin ang istoryang isinulat natin nang apat o higit pang taon. Itatapon tayo sa tunay na mundo kung saan mapipilitan tayong itapon din ang ilang paniniwalang hindi na natin kayang panghawakan. Pagkalabas natin ng unibersidad, ibang istorya na ang pagbibidahan natin. Sa isang iglap, tila isa kang dayuhan sa isang bagong mundo.

Isipin mong stranded ka sa isang liblib na isla sa kung saan mang panig ng daigdig. Mahirap hindi ba? Hindi natin alam, pero sa totoo lang, stranded naman na tayong lahat sa isang malaking islang tinatawag nating lipunan. Wala tayong kawala. Nabubuhay ka sa islang ito kasama ang lahat ng tao sa paligid mo, kasama iyang katabi mo, kasama ‘yung toxic mong prof at ang iyong groupmate from hell, kasama ang mga tambay sa kanto at ‘yung mga jumping jologs sa concerts. Stranded sa lipunang ito, wala tayong ibang pagpipilian kundi ang mabuhay dito. Bilang mga mag-aaral ng UP, hindi lamang tayo nabubuhay sa lipunan, hinahamon tayong baguhin ito tungo sa kung ano ang mas makabubuti. Alam kong hindi madali. Sabi nga, paglabas natin dito, sinusubok ng tunay na mundo ang mga prinsipyo at paniniwalang napulot natin sa unibersidad. Ang inaasahan sa atin bilang mga isko at iska ay ang panghawakan ang mga paniniwalang ito nang buong giting, kahit maging sa harap ng pinakanakakatakot na halimaw o buwaya o kapitalista o pulitiko. Bilang isang indibidwal na iniisip ang sariling kapakanan, hindi masamang magpatangay sa pansariling pangangailangan paminsan-minsan, ngunit bilang bahagi ng lipunan, wala kang karapatang maging makasarili dahil bawat kilos mo, maaaring mapasama o mapabuti ang lahat ng tao o bagay sa paligid mo.

Hindi tayo itinapon sa islang ito, at mas lalong hindi tayo napadpad lang dito dahil sa isang aksidente. Ang “masukal na gubat” na nilalakaran mo araw-araw, ikaw ang may gawa. Nagrereklamo ka sa polusyon at basurang ikaw mismo ang may likha. Ang iisang mundong ginagalawan mo, unti-unting nasisira dahil sa mismong kapabayaan mo.

Ilang buwan na ang nakakaraan nang tumawag sa akin ‘yung tatay ko, sinasabing ‘wag daw muna akong umuwi dahil sa bagyo. Nagulat ako dahil umiiyak siya, nilamon na daw ng baha ang karamihan sa gamit namin. Pamilyar na istorya para sa marami. Kinuha ni Ondoy ang maraming bagay mula sa atin: kagamitan, tahanan, buhay. Naniningil nga lamang siguro ang kalikasan.

Kapag dumaan ka daw sa bayan namin at mayroon nang masangsang na amoy na nanggagaling sa mga tanneries, alam mong malapit ka na sa Maynila. Nakakatawa na ganoon ang kadalasang kwento tungkol sa Meycauayan. Pero ngayon, hindi na nakakatawa na dahil sa mga kemikal mula sa mga tanneries na ito, napabilang na ang ilog ng Meycauayan sa mga pinakamaruruming lugar sa mundo.

Hayaan nating ganito ang sistema, anong mundo na kaya ang ating gagalawan? Ilang Ondoy at Ilog Meycauayan pa ba ang kailangan nating pagdaanan para makita natin ang tunay na mukha ng gubat na ito? Tama na ang panahon ng panggigising sa isa’t isa, panahon na para bumangon at kumilos. Iisang mundo lang ang ating ginagalawan, iisang isla lamang ito at lahat tayo ay stranded dito. Dalawa lang naman ang pagpipilian mo, ang maging isang palutang-lutang na dahon lamang sa ilog na nagpapatangay sa malakas na agos ng lipunan, o ang magpaka-Isko na siyang nagpapasimula ng isang malawakang pagbabago sa gubat na ito. Hinanda na tayo ng unibersidad para sa tungkuling ito. Sasayangin mo ba ang mahigit apat na taong iginugol mo dito sa UP para lamang magpalamon sa mga halimaw sa tunay na mundo, o gagamitin mo ang kaalamang napulot mo dito para baguhin ang lipunang ito?

May pagkakataon kang gawing paraiso ang gubat na tinitirahan mo. Kung tutuusin, kaya mo.