Paglibing kay Marcos binatikos

paglilibing kay marcos

(Mula sa kaliwa) Santos, Jose, Robles, Reyes, Mendoza at Atienza

“Hindi bayani si Marcos.”

Ito ang nagkakaisang pahayag ng limang tagapagsalita sa isang pampublikong panayam ng University of the Philippines (UP) Third World Studies Center (TWSC). Sa “Ang Bangkay ni Duterte: Isang pampublikong lamay para kay Pangulong Marcos bago siya ipalibing ni Pangulong Duterte sa Libingan ng Mga Bayani,” tinalakay ang mga dahilan kung bakit tutol ang mga tagapagsalita sa planong ito ni Pangulong Duterte.

Ang mga tagapagsalita ay sina Dr. Ricardo T. Jose, kasalukuyang propesor sa Departamento ng Kasaysayan ng UP Diliman (UPD) at direktor ng TWSC; Raissa Robles, kilalang blogger (www.raissarobles.com) at peryodista (“South China Morning Post” at “Radio Netherlands”); at Ricardo V. Reyes, lider-aktibista mula dekada 1960 at isa sa nagtatag at dating tagapangulo ng Akbayan Citizens’ Action Party.

Naging tagapagsalita rin sina Dr. Helen N. Mendoza, dating propesor sa UPD Departamento ng Ingles at isa sa mga unang kasapi ng Bantayog ng mga Bayani Foundation; at Vergel Santos, beteranong peryodista at tagapaglathala mula dekada 70 at kasalukuyang trustee (Center for Media Freedom and Responsibility) at tagapaglathala (“BusinessWorld”).

Libingan ng mga Bayani (LNMB).  Ang LNMB ay tinatag noong 1947 sa panahon ni dating Pangulong Elpidio Quirino upang alalahanin ang mga Pilipinong sundalong namatay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II/WWII). Una itong tinawag na Republic Memorial Cemetery at naging Libingan ng mga Bayani noong 1954 sa panahon ni dating pangulong Ramon Magsaysay.

Ayon sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas (Armed Forces of the Philippines/AFP), maaring ilibing sa LNMB ang mga sumusunod: mga dating Pangulo ng Pilipinas, nakatanggap ng Medal of Valor, kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, opisyales ng AFP, sundalong namatay sa digmaan, opisyal ng pamahalaan, Pambansang Alagad ng Sining, Pambansang Alagad ng Agham, at iba pa. Ilan sa mga kilalang taong nakalibing sa LNMB ay sina dating Pangulong Carlos P. Garcia at Diosdado P. Macapagal; dating Pangalawang Pangulo Salvador H. Laurel; at dating Punong Mahistrado Claudio Teehankee Sr.

Hindi kuwalipikado. Sabi ng kampo ni Marcos, siya ang Pilipinong sundalong nagkamit ng pinakamaraming medalya, 33 lahat, noong WWII – kasama ang Medal of Valor, pinakamataas na medalyang iginagawad ng Amerika sa isang sundalo, at ang Distinguished Conduct Star, ang pangalawang mataas na medalya.

Ngunit sa pagsasaliksik ni Jose, wala siyang nakitang mga dokumentong magpapatunay na binigyan ng Amerika si Marcos ng mga nasabing medalya. Ang mga sinasabing walong Campaign Medals naman, dagdag ni Jose, ay iginagawad sa lahat ng sundalong naglingkod noong WWII at hindi dahil sa kabayanihan. “Kahit ang mga sitas (citation) na magsasabi kung bakit siya pinarangalan ay hindi makita. Mahalaga ang mga dokumento para masabing totoo ang mga medalya,” paliwanag ni Jose.

Imbes sa mga dokumento, ang nakita ay ang pagiging masasakitin ni Marcos kaya madalas ay nasa pagamutan at nagpapagaling. Nakita rin sa mga dokumento na hindi kinilala ng Amerika ang “Ang Maharlika Guerillas,” ang pangkat ng mga sundalong binuo umano ni Marcos at isa pa niyang kasama. “Nakita rin na ang 11 sa 33 medalya ni Marcos ay ginawad sa kanya noong 1963, o 20 taon pagkatapos ng digmaan, habang siya ang Pangulo ng Senado,” dagdag ni Jose.

Gamit ang mga alituntunin na ginawa ng AFP, pinaliwanag din ni Jose na bagamat pasado si Marcos sa dalawang kuwalipikasyon – sundalo at pangulo – hindi siya nararapat malibing sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) dahil sa isang mahalagang probisyon: “However, those who have been dishonorably discharged from service, or personnel convicted of an offense involving moral turpitude, do not qualify for interment at the cemetery.”

medalya ng kagitingan

Medalya ng Kagitingan

Pagpigil sa kalayaan. Upang mapanatili ang magandang imahe ng bansa, naging mahigpit ang pamahalaang Marcos sa mga peryodista noong Martial Law (ML). Noong Set. 25, 1972 ay naitatag ang Department of Public Information (DPI) na siyang magbibigay ng permiso bago maimprenta ang isang diyaryo. “Bawal umano ang mga balitang mag-uudyok sa mga taong lumaban sa gobyerno,” paliwanag ni Robles. Binuwag ang DPI noong 1981 ngunit patuloy ang paghihigpit sa mga peryodista hanggang sa mapatalsik ang mga Marcos noong 1986.

“Pinasara rin ng rehimeng Marcos ang lahat ng mga diyaryo maliban sa Times Journal at Daily Express,” dagdag ni Robles. Bantay-sarado rin ang mga lalaking peryodista kaya mga babaeng peryodista na ang nanguna kahit sa mga bagay na lalaking peryodista lang ang noo’y gumagawa. Isa sa mga babaeng ito ay si Letty Jimenez-Magsanoc na naging punong-patnugot ng Philippine Daily Inquirer.

“Ilang beses kaming pinapatawag at tinatanong,” kuwento naman ni Santos. Dalawang balita lang ang maaaring mailathala noong ML, dagdag ni Santos – ang “positive news” o mga balitang magpapasaya sa mga tao at ang “acid news” o mga balitang walang malulungkot.

Dahil sa mga nasulat na hindi akma sa pamantayan noong Martial Law, maraming peryodista ang pinatawag ng militar at ang ilan sa kanila ay nawala o natagpuang patay.

Mga pag-aabuso. Base sa pagsasaliksik ng Amnesty International, isang pandaigdigang grupong pinaglalaban ang karapatang-pantao, may 70,000 Pilipino ang nakulong, 34,000 ang tinortyur at 3,240 ang natagpuang patay noong panahon ng ML dahil sa mga pahayag nila at gawaing laban umano sa gobyerno.

“Ang planong pagpapalibing kay Marcos sa LNMB ay isang ulos sa puso (stab in the heart) para sa mga taong namatay at nagdusa noong ML, pati na rin sa kanilang mga pamilya,” pahayag ni Reyes.

Ang isang malaking pagkukulang, ani Reyes, ay ang pagkabigo na maipaalam sa mga sumunod na henerasyon ang mga pang-aabuso noong ML. “Hindi rin nakita o naramdaman ng maraming Pilipino ang pagbabago mula nang maalis ang mga Marcos – patuloy ang kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay at korapsyon,” sabi ni Reyes. Dahil sa mga pangyayaring ito, dagdag ni Reyes, ay unti-unting nakabalik ang mga Marcos sa kapangyarihan at nasa gobyerno na nga uli.

Hiling ni Reyes na magkaroon ang rehimeng Duterte ng mga mas konkretong aksyon para mabawasan ang hindi pagkakapantay-pantay at panggigipit sa mga mahihirap. Maganda ring hakbangin ang mga usaping pangkapayapaan para sa paghilom ng mga sugat ng mga naging biktima ng Martial Law at ng iba pang pang-aabuso ng mga sumunod na rehimen.

Nakaw na yaman. Hanggang ngayon ay bigo pa ring mabawi ang ilang nakaw na yaman ng mga Marcos. “Nakakapagtaka lang na tinulungan ng Amerika ang mga Marcos sa pagtakas nila papuntang Hawaii gamit ang isang eroplanong Amerikanong C-141,” sabi ni Mendoza. Naniniwala siya na sa politiko ay walang permanenteng kaibigan o kaaway kundi permanenteng interes. “Kinalinga ng gobyernong Amerikano ang mga Marcos dahil nakinabang din sila sa mga ito habang nasa puwesto,” dagdag ni Mendoza.

Ayon sa mga balita ay nagsimula ang pagnanakaw ng mga Marcos sa kaban ng bayan mula 1968 at dinedeposito ang mga ito sa mga banko sa Switzerland. Hindi rin nakita sa Malacañan ang mga mahahalagang larawan (painting) nang pasukin ito ng mga Filipino matapos tumakas ng mga Marcos.

Si Marcos, aniya, ay parang isang “gangster” na may proteksyon ng gobyerno. Nagagawa niya ang mga pagkamal ng yaman at naitatago ang mga ito gamit ang mga pekeng katauhan. “Panahon ang ML ng “crony capitalism” o paggamit sa mga matalik na kaibigan para sa mga pansariling interes,” sabi ni Mendoza. Naging katanungan din kung saan nanggaling ang perang ginamit para sa engrandeng kasal ng anak ni Marcos na si Imee.

“Walang konsensiya ang taong ito na nagnakaw sa mga mahihirap, partikular sa mga magsasaka at nagpasarap sa nakaw na yaman,” pahayag ni Mendoza.

Implikasyon ng pagpapalibing. Ngunit ano nga ba ang implikasyon ng planong ito ni Duterte? “Magiging simbolo ito ng ating kultura, ng ating pagtingin sa kung ano ang tama at ano ang mali,” sabi ni Jose. “Muling mabubuksan ang mga sugat na hindi pa tuluyang naghihilom,” sabi naman ni Reyes na tinutukoy ang mga masakit na alaala ng mga biktima ng ML.

“Huwag sana nating palitan ang mga naganap. Huwag sanang baguhin ang kasaysayan,” ang pakiusap ni Robles. “Ang nakakalimot sa kasaysayan ay malaki ang tsansang ulitin ang kasaysayan,” paalala ni Mendoza.

At silang lahat ay naniniwalang si Marcos ay “diktador. Hindi siya bayani.”

Ginawa ang panayam sa Palma Hall Lobby noong Hulyo 1, ang unang araw ng paglilingkod ni Pangulong Duterte. Ang tagapagpadaloy ay si Dr. Maria Ela L. Atienza ng UPD Departamento ng Agham Pampulitika.

FacebookTwitterGoogle+Share

Posted: November 21, 2016 14:07